SINASAMANTALA ng New People’s Army (NPA) ang martial law sa Mindanao para maglunsad ng ibayong pag-atake sa tropa ng pamahalaan sa buong bansa.
Sa panayam sa Palasyo kay AFP chief of staff, Gen. Eduardo Año, inamin niya na ang inirekomendang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao kay Pangulong Rodrigo Duterte, ay upang magapi ang lahat ng banta sa seguridad, hindi lang Maute/ISIS terror group kundi maging ang NPA.
Naniniwala si Año, malaki ang naitutulong ng martial law para limitahan ang pagkilos ng mga armadong grupo.
“Ito rin ang ganda ng martial law because we restrict the limit of three armed groups. Kung walang martial law, madali lang naka-reinforce ang mga ito e. With martial law nakapag-impose tayo ng curfews at ng checkpoints sa selected areas while it is inconvenient for public but it restricted the movement of armed groups,” dagdag niya.
Kasabay ng pahayag ni Año ay naglabas ng kalatas ang Communist Party of the Philippines (CPP) na nag-uudyok sa NPA na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng puwersa sa pamamagitan nang paglulunsad ng opensibang militar sa buong bansa upang gapiin ang Mindanao martial law at “nationwide all-out-war.”
Kinondena ng CPP ang hirit na martial law extension ni Duterte sa Kongreso hanggang katapusan ng 2017.
“Duterte continues to build the foundations of authoritarian rule under US imperialist tutelage. His supermajority of congressional sycophants are likely to approve without question Duterte’s Mindanao martial law extension plan,” anang CPP.
“He has launched a war which he cannot finish. The Duterte-US-AFP war has roused the Moro people to take up arms to seek retribution for all the death and des-truction perpetrated by the fascist siege and incessant aerial bombardment of Marawi City,” dagdag ng CPP.
Samantala, sinabi ni Año, may 800 terorista pa ang nakakalat sa iba’t ibang parte ng Mindanao at 35 sa kanila’y foreign jihadists.
Karamihan aniya ng foreign jihadists ay ilegal na nakapasok sa bansa habang ang mga dumaan sa paliparan ay walang criminal records sa pinanggalingang bansa sa Middle East.
Katuwiran ni Año, nakikipagtulungan ang mga embahada ng Middle East countries sa bansa sa mga awtoridad sa pagbibigay ng impormasyon sa kanilang mga mamamayan na pinaniniwalaang nagre-recruit ng mga miyembro ng Maute/ISIS.
(ROSE NOVENARIO)