Akala ng lahat ay si Ms. Nora Aunor na ang nanalong Best Actress dahil dumating siya at nakasanayan na kasi na kapag dumating ang artista sa isang awards night ay tiyak ang panalo nito.
Pero hindi siya ang nanalo dahil tinalo siya ng kumare niyang si Congresswoman Vilma Santos-Recto na hindi naman nakadalo dahil nasa ibang bansa at ang anak nitong si Luis Manzano na isa sa host ng event ang tumanggap ng tropeo ng ina.
Kahanga-hanga ang ginawang iyon ni Nora kasama na si Rhian Ramos na bagamat hindi nila alam kung mananalo sila’y naroon pa rin.
Gayahin din sana ito ng ibang award giving bodies na sa mismong awards night lang nila malalaman ang mga mananalo dahil pagkatapos pala ng botohan ay idiniretso na kaagad sa Accounting firm ang mga envelope.
At para malinis ang botohan para mawala na rin ang taon-taong isyu na may nangyaring ‘bayaran’ para manalo. At higit sa lahat, para mawala ang pangit na imahe ng mga katoto na laging nasasabihang, ‘nagpabayad para ipanalo si ganito o ganyan.’ Bagamat hindi naman kami miyembro ng anumang organisasyon ay nasasaktan pa rin kami kapag may mga kasamahan kami sa panulat na sumasabit ang pangalan dahil sa talamak na bentahan ng award.
Natawa nga kami dahil sila-silang miyembro ng SPEEd ay nagkagulatan kung sino ang nanalo sa bawat kategorya.
FACT SHEET – Reggee Bonoan