IBINUNYAG ng suspek sa Bulacan massacre na binalutan siya ng plastic sa ulo at pinahirapan ng mga pulis kaya napilitan siyang akuin ang brutal na pagpatay sa limang miyembro ng pamiya.
Binawi nitong Miyerkoles ni Carmelino “Mi-ling” Ibañez ang kanyang pahayag na siya ang pumatay sa lola, nanay at 3 bata sa isang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan.
Tinortyur at pinagbantaan aniya siya ng mga pulis para umamin sa krimen.
“Kaya ko nasabi ‘yun kasi natatakot ako sa mga pulis po kasi natatakot ako sa mga pulis po kasi po tinortyur po ako nila sa likod po…Binalutan po nila ako ng plastic sa ulo, tapos inanuhan po ako ng martilyo sa kamay kaya nasabi ko po ‘yun,” ani Ibañez, 26 anyos.
Sinabi ni Ibañez, siya ay nasa kanyang bahay at umiinom nang boluntaryo siyang sumama sa mga pulis.
“Sumurender po ako kasi natatakot po ako kasi sabi po nila kapag umuwi daw po ako, baka kung ano raw pong gagawin sa akin,” dagdag niya.
Sa kabilang dako, itinanggi ni Central Luzon police director, Chief Supt. Aaron Aquino na tinortyur si Ibañez.
“May nakita ba ka-yong markings sa katawan? We will never do that,” aniya.
Ayon kay Aquino, iniimbestigahan nila ang pagpatay sa dalawang “persons of interests” sa Bulacan massacre na sina Rosevelth Sorima alyas Ponga, at Ronald Pacinos alyas Inggo.
Ang pagbawi ni Ibañez ay salungat sa nauna niyang pahayag na siya ang pumatay sa lahat ng limang biktima, si Aurora Dizon, kanyang anak na si Estrella Dizon Carlos, at tatlong apo na sina Donnie, Ella, at Dexter, Jr.
Naunang sinabi ni Ibañez sa media na ginahasa niyang pareho sina Aurora at Estrella nang biglaan. “Parang naisipan lang,” aniya.
Sinabi rin niya na nakainom at nakadroga sila ng kanyang mga kasama na sina alias “Tony” at “Inggo” nang pinatay nila ang lima.
Ngunit nag-negative si Ibañez sa drug test nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Philippine National Police chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, maaa-ring nag-negative ang resulta dahil kaunti lang at low grade shabu ang hi-nithit ng suspek.
Dagdag niya, nagpa-drug test ang suspek 48 oras matapos ang pagpatay. Maaari lang ma-detect ng urinalysis ang droga sa katawan 48 oras makaraan ang pagkonsumo nito.
Nananatili si Ibañez sa kustodiya ng mga pulis.
Iniimbestigahan ng NBI at pulisya ang nasabing masaker.