MARAMING nalungkot sa pagkatalo ni Manny Pacquiao sa kanyang laban sa Australian boxer na si Jeff Horn nitong nakaraang Linggo. Ang iba nga sa kanila, hanggang ngayon ay hindi matanggap ang pagkatalo ng Pambansang Kamao, at naniniwalang daya ang pagkapanalo ng boksingerong Australiano.
Naroroon na tayo: Talo na, kesehodang dinaya pa siya o talagang lehitimo ang pagkapanalo ni Horn. Ang tanong ngayon ay ano ba talaga, Manny, magreretiro ka na ba o tuloy pa rin ang ganitong pamamangka sa dalawang ilog?
Matagal nang sinasabi ni Manny, sa tuwing may laban siya, na pinag-iisipan na niya ang pagreretiro at magpo-pokus na lamang sa pagiging senador. Pero lahat nang ito ay nauuwi lang sa wala. Tuloy pa rin ang mga laban habang tuloy pa rin ang kanyang pagiging mambabatas. Pero hanggang kailan ang ganitong sitwasyon? Hanggang kailan ang pamamangka sa dalawang ilog?
Marami ang nagsasabi na kailangan nang mamili ni Manny: ang iwan ang kanyang pagiging boksingerro o tuluyang maging politiko. Hindi maaaring pareho, dahil sa bandang huli tiyak na merong masasakripisyo.
Noon ay nangako na si Manny na magpopokus na lang siya sa paglilingkod-bayan at iiwan na ang pagboboksing. Pinaasa ang taongbayan. At sa dakong huli, puro daldal na walang saysay, at hayun lalaban at lalaban pa rin at kikita na naman siya ng daang milyong piso. At pagkatapos sasabihin na naman na plano na niyang magretiro, at paulit-ulit na naman niyang paasahin ang taongbayan.
Makabubuting magretiro na nga si Manny ngayon pa lang at pagtuunan na lang ang kanyang pagiging politiko.