Resorts World Manila business as usual
Jerry Yap
July 4, 2017
Opinion
BACK to normal operations na umano ang Resorts World Manila (RWM) kabilang ang mga casino na nasa ilalim nito.
Halos isang buwan pa lang ang nakalilipas nang maganap ang insidente ng pamamaril at panununog ng isang Jessie Carlos sa nasabing establisiyemento na ikinamatay ng 38 katao kabilang ang suspek.
Nagkaroon ng imbestigasyon sa Senado para uriratin ang security measures na ipinatutupad ng RWM management sa pamamagitan ng kakontrata nilang security agency — ang Lanting Security Agency.
As usual kanya-kanyang depensa at turuan. Sa huli nangako lang ang RWM na sasagutin nila ang lahat ng gastos sa pagpapalibing kabilang ang P1-milyong danyos sa mga biktima.
At ito na nga, wala pang isang buwan, business as usual na ang Resorts World Manila.
Mabilis silang mag-move on, hindi man lang pinaabot nang 40 days ang pagkawala ng mga biktima.
Kung hindi tayo nagkakamali, nag-rally pa ang mga empleyado na humihiling na muling buksan daw ang RWM.
Nakikisimpatiya tayo sa mga empleyado pero ang gusto nating itanong sigurado na ba ang RWM na maayos na ang seguridad sa kanilang establisiyemento at iba pang structural safety measures sa kanilang gusali?
Hindi man lang sila nakapaglabas ng bulletin na siguradong ligtas ang kanilang mga kliyente tapos business as usual agad?!
Ano ang masasabi ng Pasay city government, Mayor Tony Calixto?!
Tama ba ang nangyayaring ito?
BI WARDEN’S FACILITY
NATAKASAN NA NAMAN!
Noong nakaraang Linggo, isa na namang preso ang pinatakas ‘este nakatakas sa Bureau of Immigration (BI) warden’s facility diyan sa Bicutan!
Wattafak!? Again & again na natatakasan?!
Hindi pa nga nahuhuli ang dalawang Koreano na huling nakatakas diyan, tapos ngayon nasalisihan na naman?!
Si Danielle Parker na isang Fil-Am fugitive ay nakapuslit bandang 1:00 pm habang abala sa kanilang lamon ‘este pananghalian ang mga guwardiya sa nasabing piitan.
Ayon sa report na ating natanggap, sinamantala raw ni Parker ang delivery ng isang kilalang fastfood chain kaya nagawa niyang sumalisi palabas habang abala sa pakikipag-usap ang nakatokang guwardiya sa delivery boy.
Sino naman kayang kamote ang nagpa-deliver ng pagkain? Detainee o guwardiya?
Alas-kuwatro na raw ng hapon nang madiskubre ng mga guwardiya ang pagtakas. Kung hindi pa sinabi sa kanila ng ibang preso na wala na si Parker sa kanyang selda!
Sonabagan!!!
Agad nagsagawa ng manhunt ang mga taga-BI Intelligence Division at kinabukasan ay agad natunton si Parker sa isang lugar diyan sa Binondo, Maynila!
Pusanggala!
Paano kung hindi nahuli ulit si Parker ‘e ‘di baon na naman sa limot ang eskapong ‘yan?!
Sadyang wala pa rin pagbabago riyan sa BI Warden’s Facility?!
Hindi talaga nakapagtataka kung laging may nakatatakas dahil balita natin ay talamak pa rin ang lagayan at kotongan diyan kapalit ang ilang pabor na naibibigay sa mga nakakulong.
Gaya na lang ng pagpayag ng ilang guwardiya sa sobrang bilang ng dalaw ng mga preso. Ganoon din ang pagkakaroon ng conjugal visit kahit wala sa tamang araw!
Susmarya!
Naturalmente hindi naman papayag ang mga bantay sa pasilidad na ‘yan kung wala silang mapapala sa mga dayuhang detainee!
Bantay-salakay kumbaga!
Lalo pa ngayon, wala na silang natatanggap na overtime pay, sino ba naman ang tatanggi kahit ang kapalit ay disgrasya?!
Hangga’t ganyan ang magiging sistema sa BI warden’s facility, huwag na kayong magtaka kung patuloy silang matakasan ng mga ‘pugante’ riyan.
Kaya nga hinuli dahil pugante sa kanilang bansa, kaya ibig sabihin, lalong madali sa kanila ang makatakas sa BI warden’s facility.
Pustahan tayo kung hindi tama ang sinasabi nating ito!
(By the way, may balita tayo na bubusisiin na ni BI AssComm. Aimee Neri ang sistema at mga report ng anomalya riyan sa BI warden’s facility. Kaya humanda na kayo riyan!!!)
REACTION KAY MMDA
CHAIR DANNY LIM
SIR Jerry, gusto ni MMDA Chairman 2 days ang coding ng mga sasakyan. Bakit hindi na lang gawin n’ya na walang sasakyan na bibiyahe riyan sa EDSA para wala nang trapik?! Wala na ba silang gagawin kundi pahirap sa ating motorista?
+63918881 – – – –
HUWAG PUMATOL
SA GANITONG SCAM!
GOOD morng Sir Jerry, tanong ko lng po ‘to kc may nag-text sabi po: notice pcf central bank metro mla mam/sir ur sim no. is 3rd winner had won 450,000 sponsored by Villar foundation 20th greetings from Mrs. Cynthia Villar DTI permit #4039s17 to claim ur price kindly send ur complete name, address and age.’
‘Yun po ang sabi niya tapos tumawag, tanong kung ano trabaho ko sabi ko security guard. Tapos tanong din kung may asawa at anak ako tapos kung puwde daw kami magkita. Sagot ko nasa duty ako. Sabi nman n’ya tawagan kita bukas umaga pag out mo. Sir sana totoo pero marami kc manloloko kaya nakakatakot po. Sana matulungan n’yo po ako para mahuli ang manlolokong ginagamit pa ang pangalan ng senadora. TY.
+63975636 – – – –
PAKIUSAP
SA MGA KAPATID
NA MUSLIM
“PANAWAGAN sa mga kapatid sa Muslim sa Mindanao, kung talagang gusto ninyo nang matahimik na pamumuhay at matigil ang walang kabuluhang digmaan sa inyong rehiyon, himukin ninyo ang inyong mga kalahi at kapamilya na huwag makianib at sumuporta sa mga grupong terorismo at mga rebelde. Mamuhay kayo nang parehas at huwag umasa sa easy money.
+63909888 – – – –
OBSTRUCTION
NG RWM TOWING
GPPD pm Sir, gusto q lng po isumbong gawain ng RWM towing dto malapit sa MPD Precinct 9 Malate. ‘Yun mga hinuhuli nilang illegal parking na sasakyan ay itinatambak lang nila sa daan kaya nagkakatrapik tuloy. Sana po may maayos silang parking kc lumalabag din cla sa no parking zone. Salamat po.
+63949414 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap