HINDI mo maunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari sa liderato ng Kamara, partikular na rito kay Speaker Pantaleon Alvarez at sa kanyang sidekick na si Majority leader at Ilocos Norte Rep. Rudolfo Fariñas.
Wala na silangng ginawa kundi ang mam-bully at manakot sa kung sino man ang kokontra sa kanilang mga gusto. Huwag na huwag mo silang susuwayin at huwag mong sasagutin ang kanilang mga pahayag kung hindi ay may paglalagyan ka.
Ganito ngayon ang sitwasyon ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ito ay matapos siyang pagbantaan ni Alvarez na ipai-impeach dahil sa ginawang pagkontra sa kanya nang kampihan ni Sereno ang tatlong mahistrado ng Court of Appeals na nais rin ipa-contempt ng House dahil sa pagkatig sa tinaguriang “Ilocos 6.”
Magaling sa pambu-bully itong si Alvarez. Kaya nga hindi na nakapagtataka kung gaano rin kalakas mambaterya ang kanyang sidekick na si Fariñas na siya namang pasimuno sa pambu-bully sa mga empleyado ng provincial government ng kanya mismong lalawigan dahilan kaya nga siya tinawag na “persona non grata” ng kanyang mga kababayan.
Mahirap kalaban ang ganitong mga klaseng lider. Sila na hindi marunong makinig sa katuwiran at ayaw tumanggap ng pagkontra at pagkakamali. Hindi ka dapat mangatwiran, hindi dapat sumagot. Para silang mga hari na huwag na huwag susuwayin ang kanilang kagustuhan kung hindi may naghihintay sa iyong kaparusahan.
Batid kaya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang mga kapritso ng kanyang mga bataan sa Kamara?