SWAK sa kulungan ang apat miyembro ng pamilya na negosyo ang pagtutulak ng ilegal na droga, makaraan arestohin ng mga pulis sa buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Chito Bersaluna ang mga suspek na si Freddie de Guzman, Sr., 63, dalawang anak niyang sina Freddie, Jr., 40, at Zaldy, 36, at manugang na si Angelica Ingaran, 26, residente sa 8th Avenue, Brgy. 59, ng nasabing lungsod.
Ayon kay Bersaluna, dakong 2:00 am nang isagawa ang buy-bust ng mga tauhan ng DEU ng PCP-2 laban sa pamilya De Guzman.
Arestado si Freddie, Sr., at ang mag-asawang sina Freddie, Jr. at Angelica makaraan magbenta ng P500 halaga ng shabu sa pulis na umaktong poseur-buyer, habang si Zaldy ay nadakip habang gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng kanilang bahay.
Narekober sa mga suspek ang 5.3 gramo ng shabu, P500,000 ang street value, drug paraphernalia at marked money.
Samantala, nadakip sa hiwalay na buy-bust operation ng mga operatiba ng PCP-2 ang hinihinalang drug pusher na si Ricky Maghanoy, 31, ng Malvar St., Brgy. 142, Bagong Barrio, dakong 5:30 am sa 11th Avenue, at nakompiskahan ng dalawang sachet ng shabu at P500 marked money.
(ROMMEL SALES)