ISANG mainit na pagbati ng kapayapaan para sa ating mga kababayang Muslim, lalo sa mga taga-Marawi City na hanggang ngayon ay binabalot pa rin ng lagim ng terorismo.
Dahil tapos na nga ang Ramadan at tinuldukan ito ng pagdiriwang ng Eid al-Fitr, umaasa tayo na lalong pinagtibay ng kanilang pananampalataya ang mga kapatid nating Muslim na naiipit sa giyera roon sa Mindanao.
Gaya nang sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang mensahe sa mga Muslim na nagdiwang ng banal na araw ng Eid al-Fitr, tanging ang pananampalataya natin ang magtatawid sa atin mula sa gulong dinaranas ng bansa, partikular sa giyera sa Marawi City.
Magkakaiba man ang pananampalataya ng mga residente ng Marawi at mga karatig bayan, ito ang magbibigay ng lakas para kayanin at lagpasan ang mga problemang dumarating. Hindi man agad ito mangyari, naroroon ang pananalig na malalampasan ang lahat, sa tamang panahon.
Bukod sa pananalig, kailangan ang matinding pagkakaisa at pagkakaunawaan ng bawat Muslim at Kristiyano na labanan ang banta ng terorismo hindi lang sa Marawi City at buong Mindanao, kundi sa buong bansa.