KAILAN kaya madadala ang pamahalaan sa pagkonsidera sa pakikipag-usap sa Communist Party of the Philippines – National Democratic Front (CPP-NDF) gayong halatang-halata naman na hindi talaga sila seryosong makipag-ayos sa gob-yerno at wakasan na ang ilang dekadang pakikipag-away.
Hindi ba nakikita ng gobyerno ang ginagawang pagmamalabis ng mga armadong grupo ng CPP-NDF na New People’s Army? Gaya nang pinakahuling pag-atakeng ginawa sa isang estasyon ng pulis sa lalawigan ng Iloilo noong nakaraang Linggo. Dinisarmahan ng mga rebelde ang ilang pulis at saka ipinosas. Nakakahiya naman talaga ito kung tutuusin sa panig ng gob-yerno.
Mapagsamantalang maituturing ang mga nasbaing rebelde.
Alam nilang aligaga ang gobyerno sa pagtugis sa mga teroristang miyembro ng Maute sa Marawi City, pero anong ginawa nila? Para silang mga dagang nakakawala sa lungga at sinamantala ang pagkakataong makaatake dahil aligaga ang pusa sa ibang bagay.
Kung talagang seryoso sila sa pakikipag-usap ng kapayapaan, bakit nila gagawin iyon kahit alam nilang ang pag-atake nila ay magiging panibagong dagok sa pamahalaan. Nangangahulugan lang na gusto nilang mapilayan bukod sa gusto nilang mapahiya ang gobyerno.
Kaya kuwestiyonable talaga ang sinseridad ng grupong ito. At iyon ang isang bagay na dapat nang mabatid ng pamahalaan para magising sa katotohanan na wala silang mahihita sa pakikipag-usap sa mga tusong komunista, kung kaya’t dapat nang tuluyang abandonahin ng pamahalaan ang peace talks.