MALUNGKOT ang naging pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan nitong Lunes sa maraming bahagi ng bansa dahil sa patuloy na sagupaan na nangyayari sa Marawi City.
Habang dinarama ang Pambansang Awit na “Lupang Hinirang” at itinataas ang bandila ng Filipinas, maraming mga magulang, asawa, kapatid, mga anak ang umiiyak dahil maraming buhay na ang naibuwis sa giyerang dulot ng terorismo sa Marawi City.
At mukhang bibilang pa tayo nang marami pang mga buhay na maiaalay hangga’t hindi natutuldukan ang banta ng terorismo.
Limampu’t walong mga sundalo at pulis ang binigyan ng pagpupugay dahil sa buhay na kanilang inialay para hindi magapi ng mga terorista ang Marawi City.
Saludo ang kani-kanilang pamilya, kaanak at mga kaibigan sa kabayanihan ng 58 sundalo at pulis na mga bagong bayani ng bayan. Tayong mga mamamayan ay hindi dapat magdamot ng ating pagkilala at pagdakila sa mga taong lumaban para sa ating lahat – sila na hindi inisip ang kanilang kapakanan at ng kanilang pamilya, kundi inuna ang pagsisilbi sa bayan.
Hindi rin tayo dapat pagapi sa takot na dulot ng terorismo. Habang ang ating mga sundalo at pulis ay nakikipaglaban gamit ang mga armas, tayong mga mamamayan ay dapat magkaisa sa pagkondena sa mga teroristang naghahasik ng lagim.
Muli, isang taas-noong pagkilala at pagdakila sa inyong aming mga sundalo at pulis!