MARAHIL 10 ang magic number ng Espanyol na si Rafael Nadal ngayong taon.
Isang buwan lamang matapos ibulsa ang kanyang ika-10 titulo sa Monte Carlo at Barcelona, narito at isinukbit din niya ang pambihrang ika-10 korona sa Rolland Garros.
Winalis ni Nadal ang Swiss na si Stan Wawrinka,
6-2, 6-3, 6-1 sa Finals ng French Open kamakalawa para ibulsa ang kanyang unang major title sa loob ng 3 taon.
Buhat nang unang salang niya sa French Open noong 2005, nagkamal ng 10 titulo si Nadal ngunit huling nag-kampeon noon pang 2014.
Pinahintong bahagya ng injury, nawala nang matagal si Nadal bago nakabalik sa pedestal nang kapusin sa Finals ng Australian Open nitong Enero kontra Roger Federer ngunit magbuhat noon ay nagbulsa ng 3 sunod na kampeonato patungo sa prestihiyosong Wimbledon.
Tatangkaing mag-kampeon muli ni Nadal sa Wimbledon sa darating na Hulyo simula nang huling manalo siya noong 2010.
Ito na ang ika-73 titulo ng tinataguriang “King of the Clay” at ika-16 niyang grandslam. (JBU)