SINASABI ng kampo ni Pia Wurtzbach, na paninindigan nila na katotohanan lamang ang lumabas sa talambuhay na ipinalabas sva telebisyon. Pumalag ang ikalawang asawa ng tatay niyang si Uwe Wurtzbach at ang anak na lalaki niyon sa pagsasabing sinisira nila ang alaala ng kanyang ama. Sinasabi nga kasi sa drama na ang ama niya ay isang “babaero” at tapos ay humihingi pa ng pera kay Pia, noong makaangat na sila sa buhay matapos silang iwanan niyon.
Gumanti naman ang naging pangalawang asawa ng tatay niya sa pagsasabing may dahilan kung bakit iniwan sila ng tatay niya. Hindi na namin gustong ungkatin pa kung ano ang sinasabi niyang dahilan dahil masyado na iyong personal at hindi naman magandang ilatag pa sa publiko.
Ipinagtanggol si Pia ng kanyang kapatid na si Sarah, na nagsabing totoo lahat ang lumabas sa drama, at sinasabi pa niyang may mga ebidensiya siya na magpapatunay niyon. Dinugtungan pa ni Sarah na, ”kami na nga ang iniwan kami pa ba ang gagastos para sa kanya? Dapat iyong pamilya na niyang bago.”
Iyan ang masakit eh. Lumabas kasi sa social media. Kung sa lehitimong media lamang iyan, hindi iyan ilalabas, o kung ilabas man, hindi ganoon katindi. Wala na sa ayos ang usapan eh. Pero social media nga kasi iyan eh, kaya lahat inilalabas nila, kahit na iyong sinasabi ngang ”in bad taste”. Walang regulasyon iyang social media, hindi kagaya ng mga lehitimong diyaryo na may sinusunod na ”canons of journalism”, iyong sukatan kung ano ang dapat isapubliko at ang hindi.
Hindi iyon nangangahulugan ng pagtatago ng impormasyon. Iyon ang tinatawag na kagandahang asal. Iyon ang moral responsibility ng lehitimong media. Tingnan ninyo ang kapalpakan ng social media. Maging iyong nangyari sa Resorts World pinagsimulan ng panic dahil sa sinasabi nilang ISIS iyon, hindi naman pala. Iyang kaso ni Pia, sa palagay namin dapat pag-usapan na lang nila, o tumigil na lang sila. In bad taste na ang lumalabas sa social media at makasisira rin iyon sa kanilang lahat.
HATAWAN – Ed de Leon