NAITALANG may mahigit na isang libong preso ang dumaranas ng sakit na diarrhea o pagtatae, at dalawang preso na ang namatay dahil sa dehydration. Hindi kaya dahilan nito ay maruming tubig na iniinom ng mga preso na sinundan pa ng maruming pagkain?
***
Kumikilos naman ang Department of health, namigay sila ng IV fluids at mga gamot, ang tanong kumikilos ba naman ang mga namumuno sa NBP para sa kanilang pagkain at tubig? Balewala ang pagkakaloob ng mga gamot kung ang mismong caterer ng pagkain ay hindi napapalitan. Marami pang buhay na mabubuwis sa mga presong nakapiit sa NBP.
BARANGAY OFFICIALS
SA MAYNILA SANGKOT
SA ILEGAL NA DROGA
Tatlumpu’t isang miyembro ng barangay sa lungsod ng Maynila, kabilang ang isang barangay chairman sa Malate ang napatay nitong 26 Mayo ang nasa drug watchlist. Kaya tama na ipag-utos ni Manila Mayor Joseph Estrada na sumailalim sa drug test ang lahat ng barangay chairman ng lungsod. Dapat isama rin ang mga kagawad!
***
Kadalasan ang dahilan ng pagpaslang sa isang sangkot sa ilegal na droga ay hindi pagre-remit ng benta ng shabu. Ang tanong, sino ang nagsusuplay ng droga? Tama lamang na hindi matuloy ang halalan sa barangay dahil karamihan sa tumatakbo ay gamit ang kanilang titulo para sa gayon ay matakpan ang kanilang masamang gawain o kaya ay upang mas madaling kumalat ang shabu sa lugar na sakop!
***
Wala ka na talagang pagkakatiwalaan sa bawat komunidad, ultimo barangay officials, may adik na, ang iba naman ay naging drug pusher na!
DAHIL SA RWM TRAGEDY
CALIXTO AT DEL ROSARIO
BUMALIK SA FILIPINAS
Lumipad pala patungong bansang Australia si Pasay City Mayor Antonino Calixto kasama ang kanyang Bise-Alkalde na si Noel “Boyet” del Rosario para sa isang official visit, ngunit habang nasa himpapawid ang eroplanong sinasakyan ay sumiklab ang Resorts World Manila tragedy kaya ang nangyari, airport-to-airport ang naging biyahe nina Calixto at del Rosario. Ibig sabihin bumalik agad sila sa Filipinas.
***
Naudlot man ang biyahe ng dalawang opisyal mas mainam ang kanilang deisyon na bumalik ng bansa dahil nakatirik ang Resorts World Manila sa lungsod ng Pasay na si Calixto ang punong ehekutibo. Kung nagkataon, bugbog sa batikos si Calixto!
***
Isang taos-pusong pakikiramay ang nais kong ipabatid sa mga mahal sa buhay ni Jerry Sabino, ang photographer ng pahayagang HATAW at ng Peoples Lider na mahaba ring panahon na nagsilbi sa dalawang pahayagan. Ang kanyang labi ay nakalagak sa Don Carlos Barangay Hall sa lungsod ng Pasay, at nakatakdang dalhin sa kanyang huling hantungan sa 10 Hunyo, araw ng Sabado.
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata