MAHALAGANG makauna sa isang best-of-three series at ito ay batid ng apat na koponang tampok sa quarterfinal round ng PBA Commissioner’s Cup mamayamg gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magtutunggali ang sister teams TNT Katropa at Meralco sa ganap na 4:15 pm. Susundan ito ng salpukan ng Star at Rain Or Shine sa ganap na 6:45 pm.
Ang mananalo mamaya ay puwede nang dumireto sa semifinal round kung makakaulit sa Miyerkoles.
Dinaig ng Star ang Rain Or Shine, 99-93 nang sila ay magkita sa Batangas City noong Mayo 6. Doon nagsimula ang four-game winning streak ng Hotshots kung kaya natapos nila ang elimination round sa record na 9-2 na tulad ng sa San Miguel at Ginebra. Pero dahil sa mas mababang quotient ay nalaglag sa ikatlong puwesto ang Star.
Iyon din ang huling laro ng import na si Tony Mitchell sa Star. Matapos iyon ay hinalinhan siya ng datihang si Ricardo Ratliff.
Ang Rain Or Shine ay galing sa back-to-back na kabiguan buhat sa Globalport ( 107-101) at TNT Katropa (105-102).
Makakaduwelo ni Ratliff ang isa ring datihang si Duke Crews.
Tampok na match-up sa larong ito ang pagkikita nina James Yap at Paul Lee na nagpalitan ng koponan sa simula ng season. Katuwang ni Yap sina Jay Washington, Jeff Chan, Gabe Norwood at Beau Belga. Si Lee ay tutulungan nina Marc Barroca, Ian Sangalang, Allein Maliksi at Jio Jalalon.
Tinalo ng Meralco ang TNT, 94-89 noong Marso 24.
Ang Bolts ay natalo sa huling tatlong laro at sumadsad sa 7-4 sa dulo ng elims. Ang Tropang Texters ay nagtapos nang may 8-3.
Sa import match-up ay magtatapat sina Alex Stepheson ng Meralco at Joshua Smith ng TNT Katropa. (SABRINA PASCUA)