MATAGAL bago makakalimutan ang naganap na trahedya sa Resorts World Manila (RWM) na ikinamatay ng 37 katao na pawang mga empleyado at guest player ng nasabing Casino.
Hindi lamang mga manlalaro sa Casino ang naapektohan ng stampede, maging ang mga kumakain lamang sa mga restaurant at pamilyang nanonood sa sinehan ay kasama sa mga nagsitakbo na kanya-kanyang hanap ng matataguan!
***
Maraming espekulasyon, lalo na ang pulisya na nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa lone gunman na dahilan ng pagkamatay ng 37 katao. Pilit na sinasabi ng pulisya na hindi miyembre ng ISIS o Maute ang nag-iisang salarin, e sino nga ba? Nahihirapan ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek na sinunog bago nagbaril sa kanyang sarili sa loob ng Room 510 ng RMW Hotel.
***
Lumilitaw na pabago-bagong pahayag sa media people ni NCRPO Director Oscar Albayalde kaya imbiyerna ang mga taong sumusubaybay sa mga balita sa RMW tragedy, at panay ang tanong sa inyong lingkod, na ano ba talaga ang totoo? Ang police reporters ng iba’t ibang pahayagan ay dumedepende lamang sa imbestigasyon ng pulisya at kung ano ang sabihin sa kanila ay ‘yun ang kanilang iuulat, kaya imbiyerna na rin ang mga media people from print and broadcast.
***
Isang aral sa lahat na mahilig mag-casino ang naganap sa Resorts World Manila, siguraduhin muna ang establisyemento, ang mahalaga ay fire exit, dahil ito ang magliligtas sa inyo! Dahil sa putok ng baril ng suspek kaya may mga nagdesisyon na maghanap ng matataguan, lingid sa kaalaman ng mga biktima ay nagbuhos ng gas ang suspek at nagsunog, kaya ang maitim na usok na bumalot sa 2nd floor ay pumasok sa kasingit-singitan ng mga butas sa lugar na pinagtaguan ng mga kawawang biktima. Ang ikinamatay ng mga biktima ay suffocation. Kahit binuksan ang water Sprinkle ng Casino Hotel, hindi ito nakaya, dahil makapal na makapal na ang usok!
***
Mahalaga na kahit saan man tayo pumunta lalo sa isang gusali ay dapat alamin ang tamang fire exit o lagusan na puwedeng takbuhan upang mailigtas ang sarili sa oras ng sunog o lindol!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata