NANGULELAT man ang NLEX sa Commissioner’s Cup, at least ay tinapos nila ang torneo sa isang positibong paraan.
Napanalunan nila ang kanilang huling dalawang laro.
Dinaig nila ang Alaska Milk, 100-92 noong Mayo 24 upang wakasan ang kanilang 13-game losing streak na nagsimula noon pang Enero. Ang huli kasi nilang panalo ay laban sa TNT Katropa sa isang out-of-town game sa Pampanga noong Philippine Cup.
Matapos ang panalo kontra Aces ay tinalo naman nila ang Phoenix, 116-114 noong Mayo 27 upang tapusin ang elims sa kartang 2-9.
Sa ikalawang pagkakataon ay nangulelat ang Road Warriors.
Pero papasok sa season-ending Governors Cup, natural na mataas na ang morale ng mga bata ni coach Joseller “Yeng” Guiao dahil sa nakatikim na nga sila ulit ng panalo. At hindi lang isang panalo kungdi back-to-back.
Pinarating na ng Road Warriors ang kanilang import para sa third conference na si Aaron Fuller upang maaga pa lang ay mapaghandaan na nila ang Governors Cup.
Ang akala nga ng iba ay paglalaruin na ni Guiao si Fuller upang makita na niya ang chemistry ng team. Pero hindi ito nangyari dahil pinatapos ni Guiao kay Wayne Chism ang conference. Isa pang dahilan ay kung palalaruin agad si Fuller ay maii-scout na kaagad ito ng kalaban. Mawawala na ang element of surprise sa third conference.
So, nasa ayos na ang mga piyesa para kay Guiao at sa NLEX. Kailangan na lang na magkakilala nang husto ang mga datihan at baguhang manlalaro ng NLEX.
Pero siyempre, kung may puwede pang kunin na iba pang mahusay na players na swak sa sistema ni Guiao bakit ang hindi?
Hindi pa tapos ang build up ng NLEX.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua