ANG karahasang naganap sa Resorts World Manila kamakailan ay nag-iwan ng maraming katanungan sa taong bayan, mga katanungan na naghihintay pa rin ng kasagutan hanggang sa ngayon.
Marami ang nagtataka kung paanong ang mga nangamatay sa insidente ay binawian ng buhay dahil sa pagkakalanghap ng makapal na usok mula sa mga sinunog umano ng suspek na mga mesang ginagamit sa pagsusugal.
Tanong: Nangangahulugan ba na maraming dalang gasolina o kemikal ang suspek? Walang nakaamoy na may dala siyang gasolina o kemikal? Paanong nagawang sunugin ng suspek ang mga mesa lalo na kung hinahabol siya ng mga awtoridad?
Armado raw ng M-4 carbine ang suspek at ito ang kanyang ginamit sa pagkikipagbarilan sa mga awtoridad.
Tanong: Paano niyang naipasok ang dala niyang M-4 carbine o nakatago na ito sa loob ng casino? Hindi ba mahigpit ang seguridad sa mga katulad nitong lugar lalo na’t may kaguluhan ngayon sa Marawi?
Pagnanakaw raw ang motibo ng suspek.
Tanong: Bakit niya nanakawin ang gambling chips na kailangan pang papalitan para maging pera? Hindi ito praktikal para sa isang magnanakaw.
Medyo kuwestiyonable rin ang kuwento ng paraan kung paano nagpakamatay ang suspek.
Ayon sa mga awtoridad, kahit sugatan dahil sa pakikipagbarilan ay nagawa pa rin ng suspek na makatakbo mula sa 2nd floor at magkulong sa isa sa mga kuwarto sa 5th floor ng RWM. Maliban dito ay nagawa pa rin niyang buhusan ng gasolina at balutin ng kumot ang sarili bago niya ito sinindihan.
Kadalasan ang mga nagsusunog ng sarili ay may dahilang relihiyoso o politikal. Hindi ito gawain ng isang ordinaryong kriminal. Mas magiging madali sa kanya kung nagbaril na lamang siya sa sarili katulad ng ginagawa ng ibang “mass shooter o murderer” na nasusukol.
Maputi at nagtatagalog daw ang suspek ayon sa mga saksi pero hindi ibig sabihin nito na Filipino ang salarin. Maaaring banyaga na marunong lamang mag-Tagalog.
Ito ang ilan sa mga dahilan kaya dapat masinop ang imbestigasyon sa pangyayari, lalo na kung paano namatay ang suspek. Hindi dapat basta-basta magbigay ng mga pahayag ang mga imbestigador.
Gayonman, utang ng mga awtoridad sa taong bayan na bigyang linaw ang kanilang mga agam-agam upang maiwasan ang mga tinatawag na “conspiracy theories” na maaaring lalong sumira sa kanilang kredibilidad.
* * *
Pupurgahin mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga walang silbing empleyado nito at scalawag na nagbibigay ng masamang imahen sa ahensiya. Ito ang ipinahayag ng bago nitong hepe na si dating army Scout Ranger chief na si Danilo Lim. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni Rev. Nelson Flores, Ll.B., MSCK