ARESTADO ng mga operatiba ng Quezon City Police District – Special Operation Unit (QCPD-DSOU) ang dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Paul “Bong” Alvarez at dalawang kasama nang maaktohan habang bumabatak ng shabu sa isang barber shop sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat kay QCPD director, C/Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, bukod sa arestadong si Alvarez, 49, ng 1109 Isabel de Valenzuela, Brgy. Marulas, Valenzuela City, dinakip din sina Mohammad Dana, 29, ng 14- E Maamo St., Sikatuna Village, Quezon City, at Rey Allan Cruz Acosta, 36, ng 003 Anonas Ext. corner V. Luna St., Sikatuna Village, ng nasabi ring lungsod.
Ayon kay Supt. Ro-garth Campo, hepe ng DSOU, dakong 8:30 pm kamakalawa nang madakip ang tatlo ng kanyang mga tauhan sa “Friend Estima” barber shop sa Sikatuna Village.
Napag-alaman, nagtungo sa lugar ang mga awtoridad upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Alvarez sa kasong physical injuries.
Ang nasabing arrest warrant ay mula sa sala ni Hon. Judge Don Ace Mariano Alagar ng Quezon City Metropolitan Trial Court.
Nang isilbi ang warrant ng DSOU sa pangu-nguna ni Insp. Danilo Songalia laban kay Alvarez sa barber shop, aktong natiyempohan na gumagamit ng shabu ang da-ting basketbolista kasama si Acosta at dating celebrity model na si Mohammad Dana.
Nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng DSOU sa QCPD General Headquarters sa Camp Gen. Tomas Kari-ngal.
Nakatakdang kasuhan ang tatlo ng paglabag sa R.A. 9165 o Dangerous Drug Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)