ANG ginawang pagsuporta ng taongbayan sa pagdedeklara ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay patunay na ang hakbang na ito ang magbibigay ng solusyon para wakasan ang terorismo ng Maute group sa Marawi City.
Wasto at makatuwiran ang pagpapairal ng Martial Law sa Marawi City para mabigyan ng katiwasayan ang mga sibilyan sa kani-kanilang lugar at mahinto ang paglaganap ng terorismo sa buong kapuluan ng Mindanao.
Kasabay ng pagpapatupad ng Batas Militar sa buong Mindanao, kailangan tiyakin ng pamahalaan ni Duterte na walang sundalong mang-aabuso sa mga sibilyan, at magpapatuloy ang maayos na pagbibigay ng basic services sa mamamayan.
Hindi natin gugustuhin ang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na dahil sa ginawang pagmamalabis at pang-aabuso ng military, pulis at maging ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan, napilitan ang maraming mamamayan sa Mindanao na lumaban at sumanib sa mga grupong rebeldeng Muslim.
Nakakatakot ang naging resulta ng pag-aalsa ng mga taga-Mindanao dahil maraming buhay ang naibuwis sa bahagi ng mga rebelde at sundalo ng pamahalaan. Hindi mangyayari ang ganitong pangitain kung magiging maingat ang pamahalaan ni Duterte na hindi gayahin ang ginawa ng military noon, na dahilan para maipit sa giyera ang mga sibilyan at sa kalaunan ay napilitang lumaban na rin sa kanila.