TAMA ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggihan ang may taling tulong ng European Union dahil ito ay ginagamit lamang upang mapanatili ang kanilang kakayahang makialam sa atin.
Ang masakit nito ay ginagamit pa ng EU ang Human Rights bilang kublihan sa kanilang mapanghimasok na ugali. Huwag natin kalilimutan na ang mga bansang kasapi ng EU ang dahilan kung bakit libo, kundi man milyon, ang namatay at naghihirap ngayon sa Gitnang Silangan, timog Europa, Afrika at Asya.
Dahil sa kanilang ugaling mapanghimasok upang maisulong ang kanilang interes ay tinangka nilang wasakin sa iba’t ibang paraan ang mga bansa na sagabal sa kanilang landas.
Halimbawa, dinigma nila ang Libya, Iraq, Afghanistan at ngayon ang Syria nang walang pahintulot ng United Nations, at pinahihirapan naman nila sa pamamagitan ng economic sanction ang Greece at Spain. Winasak nila ang Yugoslavia at Ukraine, at patuloy ang kanilang panghihimasok sa mga dati nilang kolonyang bansa sa Afrika at Asya.
Sa madaling salita, walang sinusunod na rule of law ang mga makapangyarihang EU members kung interes nila ang sangkot. Ito rin ang dahilan kaya wala silang karapatan mamuna ng mga bansa na umano ay lumalabag sa rule of law lalo na sa karapatang pantao.
Tama na igalang at ipaglaban ang karapatang pantao pero mas gugustuhin kong kumilos nang walang tulong kung may tali ito, lalo na’t hinabi ito ng mga hipokritong miyembro ng EU. Bibigyan lamang natin ng legitimacy ang krimen nila laban sa mundo lalo sa mga bansang nabiktima ng kanilang interes.
* * *
Ikinalungot ko nang husto ang pagpanaw kamakailan ng aking katoto at kasama sa hanapbuhay na si Gerry Abaya. Si Gerry ay una kong naging kasama nang inilagay ako ng Philippine Daily Inquirer bilang reporter nito sa Department of Interior and Local Government (DILG) noong panahon ni Sec. Joey Lina.
Mula noon ay naging malalim na ang samahan namin hanggang naitayo ko ang DDB-PDEA Press Corps sa tulong niya at nina Jimmy Mendoza, Dennis Gasgonia, Santiago Celario, Alex Ching (SLN), Nick Agustin (SLN) at ng dating DDB head na ngayo’y solicitor general na si Jose Calida at dating PDEA chief Anselmo Avenido.
Mahusay na kasama si Gerry at kung ilang beses kong napatunayan na hindi siya mang-iiwan sa panahon ng kagipitan. Bihira ang tulad niyang makisama sa isang mahirap pakisamahan na tulad ko. Hanggang sa muli Kapatid na Gerry…samahan mo muna sina Alex at Nick.
* * *
Patuloy ang protesta ng immigration officers sa iba’t ibang pandaigdigang paliparan ng Filipinas dahil hindi umano sila binabayaran nang tama ng pamahalaan. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyong bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK