Monday , December 23 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Batas na pahirap sa mamamayan?!

OPISYAL  nang ipinatupad ang “The Anti-Distracted Driving Law” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.

Sa ilalim ng nasabing batas, ilegal na ang instilasyon ng kahit anong device sa harapan ng driver. Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng P20,000 multa at rebokasyon ng lisensiya.

Layunin umano ng nasabing batas na huwag magambala ang paningin ng driver habang siya ay nagmamaneho lalo’t marami umanong aksidente sa kalye na ang dahilan ay paggamit ng gadget o mobile phone.

Ipatutupad umano ang batas na ito sa lahat ng uri ng sasakyan gaya ng PUVs (public utility vehicles), pribado, sasakyan ng gobyerno, bisekleta at motorsiklo, skateboards, kulilig, tricycles, at kahit sa mga kalesa. Ganoon din umano sa motorized wheelchairs at mga habal-habal.

Ibig sabihin lahat ng sasakyan na minamaneho o pinaandar ng tao upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at pedestrian na nagyayaot sa kalsada.

Maliban (o hindi kasama rito) ang mga driver na nagmamaneho ng ambulansiya, firetrucks at iba pang sasakyan na pang-emergency.

Uy, bagong batas na naman?!

Pabor tayo sa layunin na para maging ligtas ang mamamayan lalo ang mga pedestrian at motorista.

Pero… yes may malaking pero!

Ang gumawa at gustong magpatupad ng batas na ito ay hindi naiintindihan o hindi nakikita ang kalagayan ng bayang motorista.

051917 MMDA traffic drive

Parang hindi nabubuhay sa kasalukuyang electronic world (e-world). At may suspetsa tayo na kaya hindi nareresolba ang problema ng masikip, magulo at prehuwisyong trapiko sa bansa ay dahil hindi naman talaga nauunawaan ng kinauukulang ahensiya ang pinag-uugatan nito?!

Ano ang kaugnayan sa pagluluwag ng trapiko sa Metro Manila sa pagbabawal na maglagay ng gadgets o mobile phone sa dashboard?

Overacting na ‘ata ‘yan!

Hindi natin alam kung galit sa UBER o sa GRAB ang gumawa ng batas o IRR na ito.

Kung bawal na, paano na ang gagawin ng mga gumagamit ng Google Map at Waze?!

Hindi ba malaking tulong ito dahil itinuturo ng Waze kung saan ang kalsadang maluwag at hindi masikip ang trapiko?!

Ganoon din naman ang Google Map na malaking tulong sa paghahanap agad ng lugar.

Hindi ba alam ng mga opisyal ng ating pamahalaan, na sa mga bansang mauunlad gaya ng Hong Kong, Taiwan, Singapore, Japan at Korea, ang mga taxi  ay may GPRS, mobile phone at iba pang gadget na nakatutulong sa paghahanap nila ng lokasyon?!

Kung tutuusin nga, mas delikado pa kung nasa ibaba ang GPRS o mobile phone dahil nawawala sa kalye ang mata ng driver.

Hindi rin kaya, alam ng mga taga-MMDA na dahil sa matinding trapiko sa kalye, marami sa mga negosyante ay ginagawa na ang kanilang transaksiyones (sa pamamagitan ng mobile phone) habang naiipit sila sa prehuwisyong trapik?!

‘Yung iba nga gumagamit ng Bluetooth na headset para hindi sila maabala sa pakikipag-usap sa mga kliyente nila.

Kaysa nga naman maubos ang oras nila sa trapik, mas mabuti na magtrabaho na sila sa loob ng sasakyan nila.

Bakit hindi batas kung paano luluwag ang trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang ipasa ng mga mambabatas?!

Bakit hindi ‘yang mga illegal terminal gaya sa Lawton ang hulihin at linisin ninyo?!

Sa gustong magpa-impress kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, kung ano-anong batas ang naiimbento — kahit sukdulang pahirap naman sa sambayanan.

At ang batas na ito ay absoluto!

Kahit daw nakahinto ang sasakyan o kahit trapik ay hindi maaaring gamitin ang gadgets o mobile phones.

Wattafak!?

E ano pa pala ang silbi ng teknolohiya sa ating bansa kung ipagbabawal ang paggamit ng gadgets at mobile phone habang naiipit sa trapiko ang isang motorista?!

MMDA Chairman Tim Orbos, ang kyut, kyut po ninyo, ang henyo-henyo ninyo, ang tali-talino pa ninyo!

Sana huling talino na po ‘yang ginagawa ninyo, kasi napeprehuwisyo ang mamamayan sa talino ninyo!

‘Yun lang!

ANG KAWALANGHIYAAN
NG RWM TOWING SERVICE
(ATTN: MMDA, LTO & LTFRB)

051917 towing tow manila

May 16 at 11:05 PM

HI po kuya Jerry,

Magrereklamo po ko about sa maling pagto-tow ng RWM towing service na ‘yan.

Ganito po kasi ‘yan nag-park po ako sa harap ng condo ng friend ko dahil dadalawin ko lang po ‘yung buntis kong friend at may kinuha na rin po ako sa kanya, 6pm po un. Then pauwi na po ko, napansin ko po na wala na ‘yung kotse ko, so nagtanong po ako doon kung nakita nila ang kotse ko. Sabi naman ng mga tricycle driver at sa barangay, ang sabi po tinow ‘yung sasakyan ko dahil hinarangan ko raw po ‘yung fire truck.

Aaminin ko po may kasalanan ako, kaya ok lang kung tinow pero sabi sa ‘kin ng mga nakakita doon nakaalis na po ‘yung fire truck bago i-tow ‘yung sasakyan ko po at ang sabi dapat daw po babanggain na lang nila ‘yung sasakyan ko pero naawa pa rin po sila sa may-ari. Ang sabi pa ng iba na napagtripan daw po ko no’ng hepe doon na nagpahila ng sasakyan ko pero ok na po ‘yun sige, kasi alam ko may kasalanan po ako. So pinuntahan ko po ‘yung kotse ko kung saan dinala. Ando’n nga po sa paradahan ng RWM towing service. Nagbayad po ko agad para wala nang maraming usapan para makauwi na rin po ko dahil buntis din po ko. Pagod na rin po ko tapos inilabas ko na po ‘yung kotse ko, medyo may napansin ako dahil sobrang ingay na po ng sasakyan ko para bang may nasira sa makina. Agad akong bumalik para ireklamo po. ‘Yun nakausap ko lang po ‘yung mga nag-tow. Tinanong ko ba’t ganoon, umingay ang kotse ko? May nasira kayo at alam ko mali pag-tow nila dahil hindi po gano’n ‘yun ingay ng kotse ko bago nila i-tow at isa pa po brand new ‘yung sasakyan ko. Every 3 months po tine-check ang sasakyan ko, kng may sira or wala. One year pa lang po sa akin ang sasakyan ko kaya imposible na may sira po ‘yun at maingat po ko sa sasakyan. Ang dahilan po sa akin no’ng mga lalaki na nag-tow, mukhang mga bata pa po parang ‘di alam mag-tow ng sasakyan. Ang sabi nila, “Ganyan talaga pag nag-tow kami ng sasakyan. Ayan talaga ‘yung nasisira namin.” Sabi ko, wow ang ganda ng dahilan ninyo sa akin. Sabi ko ipapa-check ko ‘to sa casa ko at babalik ako rito kng sakaling malaki damage ng sasakyan ko dahil sa maling paraan ng pag-tow ninyo. Wed po kasi na tow ‘yun. Dinala ko noong Thurs ng hapon sa casa ko tapos Friday na po nalaman ko ‘yung mga nasira po sa sasakyan ko dahil mali nga po talaga ung pag-tow nila. ‘Di na po ako agad nakapunta ng Friday kasi nga po hapon na no’ng nalaman ko ‘yung resulta sa kotse ko. Alam ko naman po wala nang haharap po sa akin nang ganoong oras, pagabi na kasi po no’n, so sabi ko Monday na lang, ang kaso ‘di naman po ko nagising, hapon na rin kaya kanina po (Tuesday May 18, 2017) pumunta po ako, ibinigay ko ‘yung mga need para sa complain ko.

Ibinigay ko lahat, kinausap ko po ‘yung mga tao doon na humarap sa akin ang mga tao sa office nila. Mahinahon ko po silang kinausap at ibinigay po ang papers about sa complain ko. Tapos ang sagot po sa akin ng isang babae doon dapat ‘di mo inilabas kotse mo, dito dapat ipina-check mo sa mga nag-tow dito kasi once na inilabas mo ‘di na namin pananagutan ‘yun.

Pero ang sabi ko po, kinausap ko po ang mga nag- tow ng kotse ko ang sabi sa akin at ang dahilan ng mga nag-tow, “Ganon talaga pag may tinotow kami un lagi nasisira,” kaya sinabi ko sa nag-tow babalik ako dito once na malala ang damage ng kotse ko. Nag-oo naman po ang mga nag-tow, so umalis na ako noong gabing ‘yun at sbi rin ng nag-tow kayo na lang po kumausap bukas sa mga tao riyan sa office dahil wala po kami, alam diyan taga-tow lang kmi at napag-utusan kaya ‘yon po ang sinabi ko sa babae. Kaso wala na po siyang masagot paulit-ulit po siya na dapat di mo inilabas. So sabi ko, kausapin na lang po ‘yung tito ko.

‘Yun tito ko po kasi natulong sa akin para sa complain ko nga po sa towing company. Gusto lang po maayos ang usapan. Ang kaso po mga bastos po sila. Hindi nila kinausap ang tito ko so ok lang po, e ako rin po di nila kinausap. Tinalikuran nila kong lahat doon na nasa office, nagsasalita po ko pero wala po nakikinig parang hangin lang po ko doon. Medyo nag-init po ang ulo ko, na-stress na po ako, buntis din po kc ako tapos ganoon sila makitungo. So ‘yung boses ko po parang nagagalit na nanginginig po kasi po sa inaasal nila, bastos po. So sabi ko, ayaw ninyong pirmahan ang papel para sa nag-receive lang, babalik na lang ako. Sabi nila ay “hindi kami pipirma riyan. Ba’t kami pipirma riyan?” Pinagtulungan po nila ako at bastos po talaga sila lahat. So piniktyuran ko po na lang silang dahil wala po bastos po sila e. Tapos po ginawa nila binaligtad nila ko, sabi nila kung maayos ka makipag-usap e ‘di sana tinulungan ka pa namin. Sabi ko maayos akong nakikipag-usap, ano ginawa ninyo, tinalikuran ninyo ko, nanood na lang kayo ng TV diyan. Sabi nila may CCTV din kami. Nakikita ka maldita daw po ako. Sabi ko cge ilabas ninyo ang CCTV. Tingnan natin, sino mali sa atin, tapos po binagsakan po ko ng window nila doon. Ayun po ang nangyari at search ko po ang towing company na ‘yun. Ang dami palang complain hindi lang po ako. Gusto ko po sana magdemanda, ang kaso nabasa ko nga po na wala naman pong ginagawang aksiyon. Paano po kaya ‘yun? Salamat po.

[email protected]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *