NAPAIYAK si Ai Ai De las Alas sa victory party ng pelikula niyang Our Mighty Yaya dahil sa tagumpay nito sa takilya.
Ang dami na niyang box office na pelikula at natanggap na award pero bakit special sa kanya ang Our Mighty Yaya? Parang ngayon ay bumalik ‘yung sigla niya at emosyonal na box office ang pelikula niya.
“Kasi mga three or four years ago, dumaan ako sa maraming pagsubok. Namatay ‘yung nanay ko, flop ‘yung movie namin, mahirap tanggapin ‘yun. Tapos naihiwalay ako sa asawa ko. Lahat sunod-sunod na nangyari. So, sabi ko sa sarili ko, may nagawa ba akong hindi maganda? Baka hinampas ako ni Lord, ‘di ba? Pero noong nasasaktan ako noong time na ‘yun, tinatanong ko siya ‘Lord, bakit, anong nagawa kong masama? Bakit nangyari sa akin ito?’
“Kaya ako emosyonal kasi ito ‘yung sagot. ‘Anak, maghintay ka lang kasi lahat ibabalik ko sa ‘yo sa tamang panahon,” pakli niya.
May feeling ba siya na hindi siya makababalik noong time na ‘yun?
“Actually, ‘yun talaga ang totoo kong plano kaya ako bumili ng bahay sa Amerika after ng lahat ng pangyayari sa buhay ko, pati sa family ko at sa marriage ko, dapat hindi na ako mag-aartista. Pupunta na lang ako sa Amerika. roon na lang ako sa mga anak ko until nag-usap kami ni Boy (Abunda) para sa APT (Productions) hanggang mapunta ako sa GMA at nag-‘Sunday Pinasaya’ ako. ‘Yun ang nangyari,” bulalas pa niya.
Alam na ni Kuya Boy (Abunda) na ayaw na ni Ai Ai mag-artista pero naniniwala ang magaling na host sa kakayahan niya. Ayaw nitong mahinto siya dahil marami pa siyang ilalabas. Kahit si Mother Lily at Roselle Monteverde ay naniniwala sa kanya.
“Actually, kaya ako naiiyak ngayon kasi nawalan na ako ng kompiyansa sa sarili ko. Kaya ako naging emosyonal dahil may mga naniniwala pa pala sa akin at marami ang tumutulong sa akin para mapanatili sa posisyon ko sa showbusiness,”sambit pa niya habang tumutulo ang luha niya.
Nasa second week na ngayon ng Our Mighty Yaya na kasama sina Megan Young, Zoren Legaspi, Sofia Andres, Kiko Nicolas, Lucas Magallano, Alysson McBride, at Beverly Salviejo. Ito ay sa direksiyon ni Jose Javier Reyes at angRegal Entertainment Inc. ang producers na sina Mother Lily at Ms. Roselle.
TALBOG – Roldan Castro