HINDI man lang nag-init ang puwitan ng mga kongresista na kabilang sa House committee on justice at nabasura agad-agad ang dalawang impeachment complaints na isinampa laban kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nitong Lunes. Bagamat pumasa sa porma, wala namang substansiyang nakita ang komite sa dalawang complaints na isinampa ni Magdalo Rep. Gary Alejano.
At imbes na si Duterte ang maging sentro ng usapin sa ginawang pagdinig ng komite, tila nabaling ang init ng ulo ng mga kapwa kongresista kay Alejano dahil nasilip nila na wala pala siyang personal na alam sa mga akusasyong nakadetalye sa inihain niyang complaint.
Ito ang akusasyon niya kay Duterte na ilang libong drug suspects na ang napapatay sa ilalim ng administrasyon nito dahil sa kampanya laban sa ilegal na droga. Lahat ng akusasyon ni Alejano ay base lang sa mga lumabas na balita tungkol sa isang self-confessed na killer daw umano ni Duterte.
Ayon sa mga sipsip kay Duterte, sa pangunguna na ni Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas, pawang haka-haka lamang ang mga akusasyon ni Alejano. Hinugot lang daw sa kung saan-saan at hindi kayang panindigan.
At para mas bumango pa ang kanyang papel sa pagdepensa kay Digong, inipit-ipit si Alejano, at sinabing walang kawawaan ang lahat ng mga pinagsasabi nito. Pinagbantaan pang kakasuhan ng perjury.
Kung tutuusin, bago pa man himayin ang porma at substansiya ng complaints, desidido na ang mga sipsip kay Duterte, lalo na si Fariñas, na siyang tila kumukumpas sa mga kaganapan sa Kamara na ipinapasa sa kanya ni Speaker Pantaleon Alvarez, na patayin ang impeachment agad-agad. Talagang mga sipsip!