Fixcal ‘este’ fiscal pinagpapaliwanag ni Justice Sec. Vit Aguirre
Jerry Yap
May 16, 2017
Opinion
BUMINGO rin si Manila Prosecutor Edward Togonon.
‘Yan ang nagkakaisang pahayag ng mga tinamaan ng mga ‘misteryosong resolusyon’ kabilang ang kamag-anak ng apat na senior citizens na naunang sinalakay at dinampot ng pulis-Maynila sa isang hotel sa Maynila dahil umano sa ilegal na droga.
Namatay na ang isa sa kanila na kinilalang si Api Ang, 61 anyos.
Habang ang tatlong natira ay nagtagal pa sa detention cell kahit na-dismiss na ang kanilang kaso.
Ayon sa abogado ni Ang, sa simula’t simula ay may iregularidad na. Mantakin ninyong, tatlong oras nagtagal ang raid sa loob ng isang kuwarto sa hotel?
Mismong si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, General Oscar Albayalde ay nag-utos na imbestigahan ang 25 pulis-Maynila na nag-conduct ng nasabing raid noong Nobyembre 2016.
Pero ang higit na nakapagtataka sa kasong ito, kuwestiyonable na nga ‘yung raid, sinuhayan pa ng ‘kabulastugan’ ni fixcal ‘este fiscal?
Ngayon, maging si Justice Secretary Vit Aguirre ay naghahanap ng maliwanag na paliwanag…
Bakit nga ba, Fiscal Boy Togonon?
Hindi naman natin masasabing politika ito, komo marami ang nakaaalam na ang ‘patron’ ni Togonon kaya siya na-appoint na Manila city prosecutor ay sina Senator Frank Drilon at ex-Justice Secretary Leila De Lima.
Nakupo, mga solid dilawan pala?!
Ngayon pa lamang ay marami na ang nag-aabang kung paano magpapaliwanag si Togonon kay SOJ.
Hindi lang kasi iisa kundi marami ang umuugong na balita, na maraming bumabaliktad na kaso, dahil sa ‘makapangyarihang kumpas’ ng isang Fiscal diyan sa Maynila?!
Ebidensiyang-ebidensiya na nga riyan, ‘yung kaso nitong apat na senior citizens na dismiss na ‘yung kaso pero hindi pa rin sila ini-release.
Kung hindi pa nakialam si Secretary Aguirre, malamang, hanggang ngayon nasa detention cell pa rin sila.
Wattafak!?
NO DRINK ZONE
SA BORACAY BEACH
FRONT DAPAT
NANG IPATUPAD!
Ang inyong lingkod mismo ay sang-ayon sa panukalang ‘yan.
Minsan na tayong napunta riyan, isang buwan ng Mayo.
Talaga naman hindi magkamayaw ang mga taong nagbi-beach party. Siyempre, dahil party, may inuman, kainan at kung ano-ano pa hanggang umaga.
Kinabukasan pagkatapos ng party, ang Boracay beach front ay naging isang malaking basurahan.
Kaya noon pa lang, nasabi na natin na hindi dapat pinapayagan ng local government, ng Department of Tourism, at ng local police force ang party sa beach front ng Boracay.
Alam naman ninyo ang kulturang Pinoy, hilian nang hilian. Walang aamin kung kaninong customer ang nagkalat sa beach, kaya walang magboboluntaryong maglinis ng kalat.
Maliban kung ang mismong organisadong business group ay mayroong kaisahan na obligado silang lahat na linisin ang beach front.
Pero para sa kapakanan ng kalikasan, pinakamabuting huwag nang payagan ang party sa beach front.
At kailangan mahigpit na patawan ng multa o parusa ang mga lalabag upang maging matagumpay na maipatupad ang panukalang ito.
Iligtas natin ang Boracay!
SENATOR GRACE POE
AFFECTED DIN
SA MAHABANG PILA
SA AIRPORT
IMMIGRATION
ISA raw sa naka-experience rin ng matinding pila sa airport immigration ay si Senator Grace Poe.
Nangyari umano ito kamakailan lang sa departure area ng NAIA Terminal 2.
Dahil dito naisipan ng senadora na maghain ng resolusyon sa senado para imbestigahan kung paano masosolusyonan ang kasalukuyang problema.
Iimbestigahan din daw kung ano ang pinag-uugatan ng mahabang pila ngayon sa tatlong airports lalo sa NAIA terminal 2.
Kadalasan kasing nangyayari ang ganito kapag may okasyon lalo na kung dumarating ang Kapaskuhan at long holiday.
Sana ay isama rin ni Sen. Poe sa resolusyon ang pagtataas ng standardization ng salaries ng mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI).
Masyado nang mababa ang salary grades ng BI employees at napag-iwanan na ng ibang ahensiya ng pamahalaan!
Ngayong nararanasan na rin ng mga mambabatas pati ng ibang government officials ang problema sa Immigration, isn’t it about time para ma-realize nila ang importansiya ng Immigration officers?
MOCHA GIRLS
IA-APPOINT RIN DAW
SIR, sana ‘yun ibang Mocha Girls i-appoint na rin sa gobyerno. Kasama at naghirap rin nman sila sa kampanya ni Pres. Duterte. Puwede sa DSWD o sa DepEd ‘yun ibang Mocha Girls.
+639174166 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap