ISINUSULONG ngayon sa Kongreso ang pagpapababa sa edad ng kriminal. At kasabay nito, ipinanukala rin na bukod sa mga batang kriminal na dapat parusahan ng batas, bigyan din ng kaparusahan ang kanilang mga magulang.
Sa panukala ni party-list Rep. Jose Panganiban (ANAC-IP), dapat panagutin ang mga magulang ng mga batang nakagawa ng krimen dahil sila ang dapat nangangalaga sa kanila, dapat sila ang may responsibilidad sa kanilang mga anak.
May punto ang ganitong rason ng may panukala ng batas. Sinususugan natin ang punto na ang sala ng anak, lalo pa’t menor de edad pa lang, ay dapat maging sala ng magulang. Ito ay para bigyang-diin ang tunay na kahalagahan ng papel ng mga magulang.
Ang papel ng magulang ay hindi lang sa pagluwal at pagbuhay ng kanilang mga anak. Hindi ito natatapos lang sa pagbibigay ng kanilang makakain, kundi ang mapag-aral din sila, at gabayan ng mabubuting asal at kung paano sila magiging responsableng mamamayan ng lipunan.
Kung ang siste lang ng magulang ay mag-anak nang mag-anak at hindi sila kayang giyahan kung paano maging responsableng mamamayan, talagang dapat unahing maparusahan ang mga magulang ng mga batang nakagawa ng krimen.
Kailangang madaliin ang pagsasabatas ng panukalang ito para maipasapol sa bawat mga magulang ang kanilang obligasyon sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.