MAKAKITA lang ng magandang butas o pagkakataon, pasok kaagad itong si Sen. Panfilo “Ping” Lacson. Daldal kaagad sa harap ng media, makakuha lang ng magandang mileage.
Ang ganitong estilo ni Lacson ay hindi na bago. Parang pusa na nag-aabang ng daga para masakmal niya ang balita. Ibig sabihin, kumukuha lang talaga si Lacson ng magandang tiyempo para maka-anggulo sa balitang mainit na pinag-uusapan.
Ang huling gimik nitong si Lacson ang pagsisiwalat na malamang na patayin ng NPA ang ilang miyembro ng CA kung hindi maikokompirma ang appointment ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo at Agriculture Secretary Rafael Mariano na pawang kilala bilang mga kaalyado ng makakaliwang grupo.
Ang ganitong pahayag ni Lacson ay maituturing na malaking balita pero, ang problema ay kung may batayan ba ang ipinahayag ng senador o kung sino ba sa miyembro ng CA ang nagsabing siya ay natatakot.
Walang matukoy si Lacson. Basta ang mahalaga sa kaniya ay masabi niya ito sa media kahit hindi naman siya ang mismong may kinalaman sa nasabing usapin. Hindi ba tsismoso ang ganitong pag-uugali ni Lacson?
Kilala na natin si Lacson kung gaano kasanay magpaputok ng malaking balita pero ang problema kung ito ba talaga ay may katotohanan. Kaya mag-ingat, baka mapalundag sa mga susunod na gagawin ni Lacson na ‘paputok’ na balita.