MARAMI ang nagtataka kung bakit mukhang pinabayaan na nag-iisa ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bb. Gina Lopez sa bicameral Commission on Appointments sa kabila ng kanyang mga naunang pahayag nang pagsuporta.
Napansin nila na ang madaldal na pangulo ay biglang tumahimik lalo nang pumutok ang alitan ni Bb. Lopez at isa pang miyembro ng kanyang gabinete na sinasabing malapit sa mga dambuhalang banyagang kompanya ng pagmimina.
Ang masakit pa umano, matapos ang botohan ng CA ay naghugas kamay pa si Pang. Duterte sa pagsasabing hindi siya puwedeng makialam sa kalakaran sa CA dahil ito ay hiwalay at malaya sa ehekutibo.
Alam naman ng lahat na magagawa ng pangulo na iparating at ipakiusap sa mga miyembro ng CA ang kanyang saloobin na tiyak naman na hindi tatanggihan dahil na rin sa respeto nila sa Tanggapan ng Pangulo.
Kaya nga may liaison officer ang Malacañang sa kongreso.
Aba, kung pinakiusapan daw ng marubdob ni Pang. Duterte ang 12 miyembro ng House of Representatives na kasama sa mga tumanggi sa nominasyon ni Bb. Lopez ay malamang na hindi siya nalaglag sa CA.
Napansin din nila na puro alyado ng pangulo ang naglaglag kay Bb. Lopez na kilala bilang isang mapagmahal sa kalikasan.
Mano na iyong pinakiusapan niya si Senador Alan Peter Cayetano na alalayan si Bb. Lopez alang-alang sa ikagaganda ng DENR at ng bayan. Tiyak na hindi siya makatatanggi sa pangulo.
Nakita ng pangulo na ang interes ng kanyang administrasyon ay nakasalalay sa pagpapanatili ng siste sa pagmimina sa bansa at hindi sa isang malawakang pagbabago nito, kahit na ang nakataya pa ay yaman ng bansa at kasagraduhan ng kalikasan.
Sa tunggaliang ito ay nakita ni Pang. Duterte na mas dapat manaig ang konkretong politika kaysa abstraktong pagmamahal sa kalikasan.
Ang hindi pagkibo ni Pang. Duterte ang tunay na dahilan kaya hindi nakalusot sa CA si Bb. Lopez para maging kalihim o secretary ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman o Department of Environment and Natural Resources o DENR. Wala nang iba pang dapat sisihin sa trahedyang ito.
* * *
Ngayon alam na natin na may hangganan ang sinasabing tikas ni Pang. Duterte at ebidensiya rito ang pagkalaglag ni Bb. Lopez sa CA.
* * *
May bagong ruta ang mga provincial buses na pumapasok sa Kalakhang Maynila ayon sa Metropolitan Manila Development Authority. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni Rev. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK