UMUUGONG na ang balita na panalo sa kanyang isinampang election protest si dating District 1 councilor Jennifer Roxas, sa unang ipinahayag na nanalong si Councilor Tino Santos.
Matapos kumalat ang balita sa lungsod ng Pasay, na mahigit sa 17,000 boto ang lamang ni Roxas kay Santos.
***
Naka-display na at nasa social media na ang larawan na nanumpa na si Roxas sa kanyang proklamasyon sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC). Matunog na matunog man na si Roxas na ang mauupo kapalit ni Santos sa Sanguniang Panlungsod session.
Bagama’t hindi pa kompirmado ng ilang konsehal na hindi kapartido ni Roxas, ayaw nilang magbigay ng komento sa isyung ito.
***
Sa ating panayam sa telepono kay Ex-Pasay City Congressman Lito Roxas, sinabi niya na totoo ang balita, na ang tunay na nanalo sa nakalipas na election sa lungsod ng Pasay ay si Roxas at hindi umano si Santos.
Sa aking opinyon, ipinaglalaban lamang ni Santos ang tama, kahit pa gumastos, dahil kompara kay Santos, dating konsehala ng lungsod si Roxas, samantala si Santos, ay mister ni ex-councilor Grace Santos.
***
Bagama’t umuusok na ang balita, wala pang hawak ang inyong lingkod na dokumento na si Roxas ang nagwagi bilang no. 6 councilor sa District I at hindi si Santos…
Abangan!
3 YEARS at HINDI 5 YEARS
Sa wakas, posible nang makuha ng mga aplikante ang kanilang plastic driver’s license, matapos ipatigil ng Commission on Audit (COA) ang pag-iisyu ng driver’s license, matapos mapaso ang kontrata sa ahensiya ng kumpanyang dating humahawak nito. Dahil bago na ang nakakuha ng kontrata, nakapag-imprenta na ng plastic driver’s license sa lahat ng aplikante.
Paglilinaw ni Atty. Clarence Guinto, LTO-NCR Director, ang mga lisensiya sa pagmamaneho ay tatlong taon lamang ang renewal at hindi limang taon.
KUNG MATUTULOY ANG FREE TUITION
Sakaling matuloy ang deklarasyon ng CHED na magkakaroon ng libreng matrikula ang gobyerno sa mga kabataang nag-aaral, sana pati na ang mga miscellaneous na dapat bayaran ay ilibre na! Dahil may eskuwelahan na sisingilin sa ibang bayarin ang mga estudyante. Ultimo identification card ng mga mag-aaral ay may bayad.
Paano na ‘yung talagang walang kakayahan na maglabas ng konting pera para mapag-aral ang anak? Dahil pasahe pa lang ay malaking isipin na ng mga magulang. Dahil libre na ang matrikula, lubusin na ang mga libre!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata