ANG pagmamalaki ni House Speaker Pantaleon Alvarez na siya ay may ‘kabit’ ay hindi lamang gawain ng isang imoral na mambabatas kundi gawain ito ng isang indibiduwal na hindi marunong kumilala sa batas.
Tama ang gagawin ng mga mambabatas na sampahan si Alvarez ng disbarment case kabilang na ang reklamo sa ethics committee para tuluyang masibak sa kanyang puwesto bilang Speaker of the House.
Bilang abogado, ang extra marital affair ay isang ground para matanggal bilang abogado na malinaw na ipinatutupad ng Korte Suprema.
Hindi karapat-dapat na maging lider ng Kamara si Alvarez lalo na kung wala siyang kahihiyan at makapal ang mukhang ipagmalaking meron siyang kabit habang legal pa siyang kasal sa kanyang misis.
Hindi kailangan konsintihin at matakot ang mga mambabatas sa pagsasampa ng kaso laban kay Alvarez, maging administrasyon man ito o sa oposisyon, dahil nasa panig nila ang tama at katotohanan.
Sa pagpapatuloy ngayong araw ng sesyon ng 17th Congress, kailangan lumantad ang mga mambabatas para bigyan ng leksiyon si Alvarez sa kanyang pagmamalaki na meron siyang ‘kabit’ at mapanagot sa batas at sa ethics committee.
Patalsikin si Alvarez!