Sabwatan ng 3 departamento sa Caloocan City Hall pahirap sa JO contractuals
Jerry Yap
April 26, 2017
Bulabugin
HINDI natin alam kung bakit hindi nakararating sa kaalaman ni Caloocan city Mayor Oca Malapitan ang hinaing ng job order (JO) contractual employees na nagtatrabaho sa kanilang city hall.
Matagal na kasing hinaing ng mga kontraktuwal na JO ang laging delay na pagpapasahod sa kanila.
Siyempre kapag laging delay ang sahod ng mga JO, nagpipiyesta ang mga loan shark o ‘yung tinatawag na mga usurero at nagpapa-5/6.
Napipilitan lumapit sa 5/6 ang mga JO kasi wala silang ipakakain sa kanilang pamilya bukod pa sa ibang gastusin gaya ng pasahe, pabaon sa pag-aaral, upa sa bahay, bayad sa elektrisidad at tubig at iba pang pangangailangang emergency.
Pero ang higit na masaklap rito, mayroong taga-city hall na nakikinabang sa kanilang kahirapan. Namamayagpag ang sabwatan ng ilang opisyal ng tatlong departamento kaya ‘yung kakarampot na allowance ng JO na P7,000 monthly na lagi pang delay, nakakaltasan pa ng 10 percent kapag pumasok sa 5/6.
Isang alyas Joan o alyas Cherry ang mga pagador na kinakausap ng job order contractual employees kapag gusto nilang ‘magbenta’ ng suweldo.
At sinasabing sina alyas Joan at alyas Cherry ay may konek sa tatlong departamento ng Caloocan city hall. Kaya naniniwala ang mga JO contractual employees na sila ay nagigisa sa sariling mantika.
Mayor Oca Malapitan, baka hindi po ninyo nalalaman na sa inyo galit na galit ang JO contractual employees dahil nagtataka sila kung bakit laging delay na delay ang kanilang allowance.
Ang nangyayari tuloy, libreng-libre silang nasasagpang ng mga buwayang nagpapa-5/6.
Mayor Oca, baka gusto po ninyong itanong sa city budget officer, accounting at sa treasury kung bakit laging delay ang suweldo ng JO contractual employees.
Pakitanong po sina alyas Joan and alyas Cherry, dahil tiyak na alam na alam nila ang kasagutan.
Paging Mayor Oca Malapitan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap