Sabwatan ng 3 departamento sa Caloocan City Hall pahirap sa JO contractuals
Jerry Yap
April 26, 2017
Opinion
HINDI natin alam kung bakit hindi nakararating sa kaalaman ni Caloocan city Mayor Oca Malapitan ang hinaing ng job order (JO) contractual employees na nagtatrabaho sa kanilang city hall.
Matagal na kasing hinaing ng mga kontraktuwal na JO ang laging delay na pagpapasahod sa kanila.
Siyempre kapag laging delay ang sahod ng mga JO, nagpipiyesta ang mga loan shark o ‘yung tinatawag na mga usurero at nagpapa-5/6.
Napipilitan lumapit sa 5/6 ang mga JO kasi wala silang ipakakain sa kanilang pamilya bukod pa sa ibang gastusin gaya ng pasahe, pabaon sa pag-aaral, upa sa bahay, bayad sa elektrisidad at tubig at iba pang pangangailangang emergency.
Pero ang higit na masaklap rito, mayroong taga-city hall na nakikinabang sa kanilang kahirapan. Namamayagpag ang sabwatan ng ilang opisyal ng tatlong departamento kaya ‘yung kakarampot na allowance ng JO na P7,000 monthly na lagi pang delay, nakakaltasan pa ng 10 percent kapag pumasok sa 5/6.
Isang alyas Joan o alyas Cherry ang mga pagador na kinakausap ng job order contractual employees kapag gusto nilang ‘magbenta’ ng suweldo.
At sinasabing sina alyas Joan at alyas Cherry ay may konek sa tatlong departamento ng Caloocan city hall. Kaya naniniwala ang mga JO contractual employees na sila ay nagigisa sa sariling mantika.
Mayor Oca Malapitan, baka hindi po ninyo nalalaman na sa inyo galit na galit ang JO contractual employees dahil nagtataka sila kung bakit laging delay na delay ang kanilang allowance.
Ang nangyayari tuloy, libreng-libre silang nasasagpang ng mga buwayang nagpapa-5/6.
Mayor Oca, baka gusto po ninyong itanong sa city budget officer, accounting at sa treasury kung bakit laging delay ang suweldo ng JO contractual employees.
Pakitanong po sina alyas Joan and alyas Cherry, dahil tiyak na alam na alam nila ang kasagutan.
Paging Mayor Oca Malapitan!
“IDIOT” SI LENI
SABI NI UN
Rep. TEDDY LOCSIN
Tahasang tinawag na “idiot” ni Philippine representative to United Nations Teddy Locsin si Vice President Leni Robredo.
‘Yan ay matapos sabihin ni VP Robredo sa isang forum sa University of the Philippines (UP) na dapat daw tularan ang Portugal sa decriminalization ng illegal drugs gaya ng shabu o methamphetamine hydrochloride.
Pinagdiinan umano ni VP Leni na ang Portugal ay isang halimbawa ng matagumpay na aksiyon laban sa ilegal na droga.
Imbes umano sampahan ng kaso ang mga nahuhuling nag-iingat ng shabu mas mainam daw na isailalim sila sa rehabilitasyon.
Pero natawa at hindi nagustuhan ni UN representative Teddy Locsin ang sinabi ni VP Leni kaya tinawag niyang ‘idiot.’
Sa ganang atin, hindi natin tinatawag o binabansagang ‘idiot’ si Madam Leni.
Pero ang tanong natin, maraming mga kaso ang puwedeng decriminalize gaya ng Libel, ‘e bakit, ‘yang ilegal na droga pa?!
Sabi nga ni Mr. Locsin, legalizing illegal drugs is like legalizing the drug-related crimes like rape and murder.
“This woman is a real idiot. Let’s legalize murder while we’re at it and rape as well. Legalize use you cartelize pushing,” ani Locsin sa kanyang tweet.
Fact na fact ‘yan!
Wala bang matinong adviser si Madam Leni? Wala bang puwedeng magpayo sa kanya kung ano ang mga dapat niyang gawin bilang nanunungkulang bise presidente ng bansa?!
Kulang na lang yata sabihin ni UN representative Teddy Locsin, iligtas naman ninyo si Leni sa kuko ng mga ignoramus!
Ay sus!
HINAMAK LAHAT
DAHIL SA PAG-IBIG?!
“SHE is sleeping with the enemy.”
Sabi ‘yan ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sa lady police official mula sa Davao region, na naaresto sa tangkang pagsagip sa mga teroristang Abu Sayyaf sa Clarin, Bohol.
Ibang klase raw talaga si Supt. Maria Christina Nobleza, deputy regional chief ng Davao Crime Laboratory.
Naaresto si Kernel Nobleza nitong Sabado kasama ang isang Renierlo Dongon, makaraan takasan ang police checkpoint malapit sa isang komunidad. ‘Yun ay habang nagsasagupa ang mga miyembro ng Abu Sayyaf at mga tropa ng pamahalaan.
Gusto raw sagipin si alyas Asis, 17-anyos bandido, mula sa royal bloodline sa Basilan.
Romantically linked daw si Nobleza kay Dongon na isang miyembro ng Abu Sayyaf.
Ang ipinagtataka natin bakit nagkaroon ng ugnayan o relasyon sina Nobleza at Dongon nang hindi man lang nai-monitor ng Philippine National Police (PNP)?!
Sumailalim ba sa debriefing si Nobleza matapos ang kanyang interogasyon kay Dongon?
Kung hindi bakit hinayaan ng PNP?!
Gaano na kalalim ang ugnayan ni Nobleza sa ASG?!
PNP chief, Director General Ronald “Bato dela Rosa Sir, paki-check nga ang PNP Intel Group at baka lumalawak ang salto natin sa aspektong ‘yan…
Panahon na para busisiin ang PNP intel groups!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap