HABANG sino-shoot nina Jericho Rosales at Bela Padilla ang first team-up comedy-romance movie ng taon na “Luck At First Sight” na showing na ngayong May 3 (Miyerkoles) sa maraming sinehan sa buong bansa ay parehong may hugot sa buhay ang lead stars ng movie.
Si Echo namatayan ng tatay, samantala broken hearted naman si Bela sa nakahiwalayang negosyanteng movie producer na si Mr. Neil Arce, isa sa produ ng Luck At First Sight kasama ang Viva Films ni Boss Vic del Rosario.
Si Echo, hindi pa man nagtatagal ang libing ng amang si Santiago Rosales ay nag-report na agad sa set at naging hingahan pa siya ni Bela sa pagiging sawi sa pag-ibig ng leading lady kaya naman sobra siyang hinangaan ni Bela, mga co-star at director ng latest film na si Dan Villegas.
Samantala mula sa konsepto ni Bela ang Luck at First Sight. “Nasa kotse ako, nakikinig ng conversation ng DJ sa radio. Tapos naisip ko ‘yung title, doon nabuo ang story. Tungkol sa dalawang tao na sinuwerte kapag may physical touch sila.
“Ako gusto ko makapanood ng konting feeling ng magic, parang maniniwala ka uli sa isang bagay na hindi mo nakikita. Sa totoong buhay, naniniwala ako sa suwerte, ibang forms lang siguro. Pero mas naniniwala ako sa love,” slight na kuwento ng tisay na actress tungkol sa movie nila ni Echo.
Dagdag niya, “Noong nag-iisip kami kung sino ang kukuning direktor, sabi namin, dapat si Direk Dan (Villegas) ito. Sobrang galing kasi niya, sobrang ganda ng shots saka gusto naming ma-touch din ang point of view ng lalaki sa pelikula.
Si Jericho rin ang first choice ni Bela para gumanap na lead actor at natuwa naman siya dahil kahit na hindi sa kanya ang final say kundi sa mga produ nila ay si Echo ang kinuha ng N2 Films at Viva.
At sa kanilang grand presscon na ginanap sa Trinoma Cinema na may give away sa entertainment press ang PCSO na Scratch Instant Money, ay puring-puri ni Ms. Padilla si Echo.
“Si Echo is one of the accomplished actors that we have.” Sobrang generous daw ng kanyang leading man dahil niregalohan pa siya ng isang vintage typewriter na sobrang ikina-touch ng dalaga.
Para kay Jericho, “Working with Bela was great. Baliw din kasi ang taong ito, e. Nagkakasundo kami sa maraming bagay. She’s very open walang showbiz na vibe. ‘Pag nasa set kami, nag-uusap kami ng concept and ways to promote or make the film better. It’s nice that’s she’s open to exploring things, wala siyang masyadong inhibitions. It’s been fun,’ pahayag ng actor na tulad ni Bela ay sobrang husay ng performance sa movie at kaabang-abang raw ang intimate scenes ng dalawa na siguradong kakikiligan ng lovers.
Humahamig na rin ng maraming views ang full trailer ng said film na mapapanood sa official website ng Viva, Facebook at Youtube. Kaaaliwan rin ninyo ang tambalan dito nina Kim Molina at Cholo Barretto na chika pa ng dalawa ay may pinagawa si Direk Dan sa kanila na kakaibang kissing scene. First time lang ninyong mapapanood sa big screen.
Parte rin ng cast ang isa promising star ng Viva na si Issa Pressman and many more.
Hashtag #EchoAtBelaLuckOLove
DIREK DAN VILLEGAS, NA-EXCITE
NANG ALUKING MAGDIREK
NG “LUCK AT FIRST SIGHT”
Sa presscon ng Luck At First Sight, inamin ni Direk Dan Villegas na na-excite talaga siya nang alukin ng kanyang mga producer para mag-direk ng Luck At First Sight.
“Ang difference kasi nito sa mga nagawa ko na, ‘yung dati, rooted on reality, kung ano ang nangyayari sa totoong buhay. Kaya na-excite ako rito (sa film) kasi may magical element, ‘di realistic. Medyo hyper realistic siya, magical, fantastic.
“First time kong gumawa nang ganito, so minsan, ‘yung pagtimpla ng mga eksena, mapapaisip ka, exaggerated na ba ito o baka masyadong mababaw o matigas. Rom-com, pero may magic realism element, na ikinabilib ng director kay Bela at sa kakaibang konseptong binuo ng actress.”
KimErald, muling mapapanood
sa telebisyon simula ngayong May 1
KIM AT GERALD LALABAN
PARA SA PANGARAP AT PAG-IBIG
SA “IKAW LANG ANG IIBIGIN”
NG DREAMSCAPE
Pagtupad ng pangarap at pagkamit ng tunay na pag-ibig ang matutunghayan sa “Ikaw Lang ang Iibigin.”
Ang bagong serye na pinagbibidahan ng nagbabalik-telebisyon na tambalan nina Kim Chiu at Gerald Anderson sa ABS-CBN.
Mula “Sana Maulit Muli,” “My Girl,” “Your Song,” “Tayong Dalawa,” at “Kung Tayo’y Magkakalayo,” muling mapapanood ang KimErald sa naiiba nilang pagganap sa telebisyon na dapat abangan ng kanilang mga tagasuporta.
Masasaksihan din ang bagong tambalan nina Jake Cuenca at Coleen Garcia na sigurado namang magmamarka sa puso ng mga manonood. Tutukan ang kuwento nina Bianca (Kim Chiu) at Gabriel (Gerald Anderson), dalawang magkababatang determinadong mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Nangangarap si Bianca na maging triathlete upang masuportahan ang kanilang pangangailangan. Gayondin si Gabriel, na sanay sa laban ng buhay at nabubuhay para sa pamilya. Sa pagtupad nila ng kanilang mga pangarap, mararamdaman din nila ang unang pag-ibig sa unti-unting pagkakalapit ng kanilang mga puso.
Ngunit agad ding magkakalayo ang landas ng dalawa dahil kakailanganing umalis ni Bianca ng probinsya upang maipagamot at maisalba ang buhay ng amang may sakit. Sa kanilang pagkakalayo, magkaibang karera ang kanilang tatahakin. Ngunit pag-ibig pa rin ang magtatagpo sa kanilang mga landas sa pagkikita nila sa isang triathlete event ng TigerShark, na pinamumunuan ni Carlos (Jake Cuenca), ang taong hahadlang sa kanilang pagmamahalan.
Si Carlos ang number one triathlete ng bansa – hindi sanay matalo at gagawin ang lahat upang makuha ang tiwala ng ama. Para mapalago ang kanyang kompanya, kukunin niyang endorser si Bianca. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, mahuhulog ang loob niya sa dalaga, kahit pa humadlang ang dati niyang nobyang si Isabelle (Coleen Garcia).
Dito mag-uumpisa ang laban nina Carlos at Gabriel hindi lang sa larangan ng triathlon, kung hindi pati na rin sa puso ni Bianca. Ngunit mas titindi ang kanilang laban sa pagsisiwalat ng mga sikreto ng nakaraan na nagbabadyang sumira sa kanilang mga buhay.
Kasama pa rin kayang matupad nina Bianca at Gabriel ang kanilang mga pangarap? Magtagumpay kaya si Carlos na sirain ang kanilang pagmamahalan? Mapatunayan kaya nilang hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig?
Kasama rin sa “Ikaw Lang ang Iibigin” sina Gina Pareño, Bing Loyzaga, Ayen Munji-Laurel, Michael De Mesa, Daniel Fernando, Dante Rivero, Nicco Manalo, Ivan Carapiet, Andrea Brillantes, at Grae Fernandez. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Dan Villegas at Onat Diaz at panulat nina Noreen Capili at Anton Pelon.
Huwag palampasin ngayong Mayo 1, sa Prime Tanghali ang seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ng “Ikaw Lang Ang Iibigin,” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma