Parañaque nakalikom nang mahigit P6-Bilyong buwis mula sa mamamayan
Jerry Yap
April 25, 2017
Opinion
KITANG-KITA ang tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaang lokal ng Parañaque City na pinamumunuan ni Mayor Edwin Olivarez.
Malinaw na ebidensiya niyan ang P6 bilyong nalikom ng lokal na pamahalaan mula sa buwis ng mamamayan.
Hindi lang ang mga mamamayan, maging ang mga investor, lokal at dayuhan, ay nagpapakita ng malaking kompiyansa sa pamahalaan ng Parañaque sa pamamagitan ng paglalagak ng kanilang negosyo sa siyudad.
Simple lang naman ang rason kung bakit ganado kaming mga taga-Parañaque na magbayad ng buwis, mayroon kaming napapala.
Araw-araw na nahahakot ang basura, maliwanag ang mga kalye at hindi nilalamon ng kadiliman, higit sa lahat maayos ang peace and order.
Maging si Mayor Edwin Olivarez ay tuwang-tuwa sa magandang ba-litang ito.
Nabatid, mula sa P2 bilyon ay tumaas sa P6.2 bilyon ang annual income ng lokal na pamahalaan ng Parañaque nitong huling buwan ng 2016. Tataas at lolobo pa raw ito ngayong taon 2017.
Ayon kay Mayor Olivarez, lumobo rin ang mga kompanyang nagparehistro sa lungsod na umabot sa 3,982 nitong nakaraang taon.
Kaya hindi nakapagtataka na nakalikom ang pamahalaang lungsod ng P1.9 bilyon kompara sa dating nalikom nito na P935 milyon (lang) mula 2006 hanggang 2012.
Kapansin-pansin ang patuloy na pagdagsa ng foreign investors na gustong maglagak ng kanilang negosyo sa Parañaque City.
Walang duda, isa sa mga dahilan kung bakit maraming investor ang naaakit na magtayo ng negosyo sa nasabing lungsod ay dahil sa maayos na pamumuno ni Mayor Edwin.
Sa panahon ngayon na walang inatupag ang mga politiko kundi magpayaman sa sarili gamit ang kanilang posisyon at kapangyarihan, si Ma-yor Olivarez ay abala kung paano matutulungan ang kanyang mga nasasakupan.
Hindi kataka-taka na patuloy na inuulan ng pagpapala ang kanilang lungsod sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga investment at negosyo.
Sa ilalim nang maayos na pamumuno ni Olivarez ay nagawang magtala ng Parañaque City ng record tax collections para sa mga taong 2013, 2014, 2015 at 2016 na umabot sa P6-bilyon at hindi malayong lumobo pa.
Tumaas din ang nagpatala ng mga bagong negosyo.
Dumagsa ang mga business locator na uma-bot sa 20,000 at may tinatayang taunang gross sales na aabot sa P300 bilyon.
Ilan sa malalaking kompanya na nasa Parañaque City ay Solaire Resorts and Casino na kauna-unahang casino-hotel sa Entertainment City at ganoon din naman ang City of Dreams Manila Resort at itong 72- hectares OKADA Hotel Entertainment and Casino.
Bukod rito, tuloy–tuloy ang Aseana City, ang Manila Bay Resorts at maging ang Resorts World Bayshore City ni Andrew Tan at mga partner niya mula sa Genting Group ng Malaysia.
Iyan at marami pang ibang malalaking kompanya na nagnenegosyo sa Parañaque City ay patunay lang ng tiwala ng mga negosyante kay Mayor Olivarez.
Kaya naman tuwang-tuwa si Mayor Olivarez sa nangyayari at nangako siya na lalo pa niyang palalawakin at pag-iibayohin ang paglilingkod sa kanyang mga kababayan.
Unang-una niyang tinutulungan ang mga nasa vulnerable sector gaya ng mga kababaihan, senior citizens, mga bata at ang mahihirap sa kanilang lungsod.
Sa loob ng maikling panahon niya sa panunungkulan ay nakapagpatayo na siya ng mara-ming paaralan para matiyak na mabibigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga kabataan, mga pagamutang bayan, pagsasaayos ng kapaligiran, pagbibigay ng tulong-pangkabuhayan at marami pang iba.
Tunay ngang masuwerte ang mga taga-Parañaque kay Mayor Olivarez dahil naghalal sila ng isang lider na tapat sa tungkulin at hindi puro porma at pagnanakaw lang ang ginagawa.
Kudos Mayor Edwin Olivarez, Sir!
MEDICAL CLINICS NA DAPAT IWASAN
NG OFWs PARA SA KANILANG
MEDICAL & DENTAL CERTIFICATION
Nanawagan ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa overseas Filipino workers (OFWs) na iwasan ang medical clinics na isinuspendi ng Department of Health (DoH) para sa kanilang medical fitness certification.
Kabilang dito ang walong (8) medical facilities para sa overseas workers at seafarers na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa pagmonopolyo sa pre-employment medical tests para sa OFWs patungong Kuwait.
Narito ang medical clinics na sinuspendi ang
1) ABAKKUS Medical Diagnostic Services, Calatagan St., Makati City; 2) Agoncillo Medical Clinic, Agoncillo St., Malate, Manila; 3) Ruben C. Bartolome, M.D. Clinic Inc., Nakpil St., Malate, Manila; 4) Global Medical Clinic, Inc., Manini St., Malate, Manila; 5) Orion Medical and Diagnostic Center, P. Hidalgo St., Malate, Manila ; 6) Our Health Medical and Diagnostic Center, Malate, Manila; 7) Our Lady Of All Nations Xray, Laboratory, Medical and Dental Clinic, Remedios St., Malate, Manila; at 8) SAN MARCELINO MEDICAL CLINIC, Leon Guinto St., Malate, Manila.
Kaya sa mga kababayan nating OFWs, pa-kitandaan lang po ang nasabing clinics na nasa itaas.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap