ITO ang ikakaso ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa matutuklasang nagtatago ng bigas sa kanilang mga warehouse.
Una rito ay binalaan na ng kalihim ang mga negosyante ng bigas na huwag palalabasin na may kakulangan sa bigas kahit wala naman.
Kapag hindi sila sumunod ay hindi mag-aalinlangan si Piñol na hilingin kay President Duterte na bumuo ng task force na magsasagawa ng pagbubukas at pag-iinspeksiyon sa mga warehouse.
Binigyang-diin ni Piñol na ang kasalukuyang gobyerno ay hindi maaaring i-blackmail. Kompleto ang mga pinanghahawakan nilang bilang at impormasyon sa kalakalan ng bigas.
Sa sandaling matunugan ng Agriculture chief na may pagtatangka sa panig ng rice traders at rice cartel na lumikha ng artipisyal na kakulangan ay irerekomenda raw niya sa Pangulo ang paglikha ng naturang task force, na mauuwi sa pagsasampa ng kasong economic sabotage laban sa kanila.
Ibinunyag ni Piñol na may PR campaign umano na pinatatakbo ang rice cartel na nagpapakita ng sitwasyon na posibleng magkaroon ng inflation o patuloy na pagtataas ng presyo ng bigas.
Tinutukoy niya ang babala sa inflation na inilabas ng New York-based Global Source sa isang report sa pahayagan bunga ng utos ni Duterte na gawing prayoridad ang pagbili ng bigas sa mga lokal na sakahan.
Ayon kay Piñol, bilang dating mamamahayag ay natutunugan niya agad ang ganitong pagkokondisyon ng kaisipan sa mga operasyon. Sa madaling salita ay naiintindihan niya ang ganitong mga pakana.
“’Yong mga nagpapakalat ng kuwento riyan na kapag hindi raw nag-import ay magkakaroon ng rice shortage ay niloloko lang ang mamamayang Filipino,” pahayag ng kalihim.
Ipinaliwanag niya na iniutos lang ni Duterte sa National Food Authority (NFA) na bumili ng bigas sa mga lokal na magsasaka sa halip na mag-angkat hanggang matapos ang panahon ng pag-ani.
Kinuwestiyon ni Piñol kung paano magiging sanhi ng inflation ang pansamantalang pagpapaliban ng pag-aangkat ng bigas? Ipinade-defer lang nila ito dahil sasabay sa panahon ng pag-ani.
Napakalaking pakinabang para sa mga magsasaka ang direktibang ito ng Pangulo na ipagpaliban ang pag-aangkat ng bigas. Sa unang quarter pa lang ay P24.38 bilyon ang itataas ng kanilang kinikita.
Bilang personal na kaibigan ay batid natin ang mga pagsisikap ni Piñol upang patuloy na mapagbuti ang kalagayan ng mga magsasaka. Buong-buo ang suporta na ibinibigay ng Firing Line sa malinis at marangal niyang hangarin.
Naniniwala tayo na matutupad ng kanyang kagawaran ang target na 100 porsiyentong rice self-sufficiency sa pagsapit ng 2020.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.