ILANG araw mula ngayon ay gugunitain ng bansa ang Araw ng Kagitingan bilang pagkilala sa kabayanihan ng magkasamang tropang Filipino-Amerikano na nakipaglaban sa mga Hapones sa peninsula ng Bataan noong 1942.
Wala akong duda sa tapang na ipinakita ng ating mga kababayan. Pero hindi ganito kabuo ang aking paniniwala sa ating mga kasamang Amerikano sapagkat ang kanilang puwersa ay pakuyakuyakoy at nasa likuran ng ating tropa habang sila ay dinidikdik sa front lines ng magkasamang puwersang Koreano at Hapones. Bukod pa rito ay nasa Amerikano ang mahuhusay na gamit at masustansiyang pagkain samantala nagtitiis sa tira-tira ang ating mga sundalo.
Ang masakit nito, batay sa dagliang plano ng Amerika noong 1942, ang pakikipaglaban ng ating mga sundalo ay hindi na talaga para sa Filipinas kundi para sa Australia.
Ang ating matinding paninindigan sa Bataan at Corregidor ang sumira sa iskedyul ng mga Hapones. Ito ang dahilan kaya hindi natuloy ang plano nilang sakupin ang Australia. Tayo ang gumanap bilang rear guard para makapaghanda ang mga Australiano. Malaki ang utang sa atin ng mga Australiano pero wala akong naririnig na pagtanaw ng utang na loob mula sa kanila. Bagkus ang nababalita ko ay pinagsasamantalahan nila ang ating mga kababaihan.
Pero ang pinakamasakit sa lahat ay ininsulto tayo ng U.S. matapos ang digmaan. Akalain ba naman na hindi nila kilalanin ang kabayanihan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng kanilang “Rescission Act of 1946.” Ayon sa batas na ito: “the service of Filipinos shall not be deemed to be or have been served in the military or national forces of the United States or any component thereof.”
Ito ang dahilan kaya nakamatayan na ng maraming beterano ng Bataan at Corregidor ang paghihintay sa biyayang para sa kanila na dapat ay matagal nang ibinigay ng U.S.
Ayon sa pag-aaral ng mga historyador tulad ng mga namayapang Renato Constantino at Teodoro Agoncillo, wala talagang plano ang U.S. na ipagtanggol ang Filipinas. Nang pumutok ang digmaan sa Europa noong 1939 at inumpisahan ng Alemanya na banatan ang Gran Britanya ay na-ging prayoridad ng U.S. ang pagtulong sa mga Ingles. Kaya ‘yung puwersa nila nang sumalakay ang mga Hapon noong Disyembre 1941 ay masa-sabing token lamang. Talagang tayo ang ibabala nila sa kanyon ‘ika nga.
Ito rin ang dahilan kaya may mga pagkakataon na naisipan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon habang siya ay nasa Malinta Tunnel sa Corregidor na makipagkasundo na lamang sa mga Hapones upang hindi masalanta nang husto ang ating bayan ng digmaan. Pinigilan lamang siya ni Hen. Douglas MacArthur.
***
Basurang ilegal itinapon sa bansa mula sa Canada ipinatatapon uli pabalik sa Canada. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK