KUNG hindi tayo nagkakamali ang Asian Productivity Organization – Production Unit Inc. (APO-PU) ay isang naghihingalong ahensiya ng gobyerno.
Pero dahil sa ‘magic wand’ ng pagiging presidente ni Abnoy ‘este Noynoy, naging government-owned and controlled corporation (GOCC) ito noong 6 Hunyo 2011 sa ilalim ng Section 3, paragraph Republic Act No. 10149 na kanyang nilagdaan.
Kasabay ng pagiging GOCC, inilipat din ang pag-iimprenta ng passports sa APO-PU dahil electronic passport (e-passport) na ang gagamitin ng mga Pinoy.
Hi-tech?!
To make the long story short – mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BAP) ay biglang napunta na nga sa APO-PU ang pag-iimprenta ng pitsa ‘este e-passport.
Kung hindi na naman tayo nagkakamali, pinasinayaan pa ang bagong planta nito na itinayo sa LiMa (Lipa-Malvar) Economic Zone sa Batangas noong panahon ni PNoy.
Sabi ng isang presidential spokesperson noong nakaraang administrasyon, sa pamamagitan ng bagong printing plant sa LiMa Economic Zone, mapahuhusay at mapabibilis ang produksiyon ng e-passports noong Enero 2016.
Mula raw sa 15 araw ‘e magiging 10 araw na lang ang pagpoproseso ng e-passport sa head office at sa iba pa nilang satellite sa National Capital Region (NCR).
Wow, really?!
Pero ano ang totoong nangyari?
Ang APO-PU ay pumasok pa sa isang joint venture o pina-subcontract sa isang pribadong kompanya na United Graphic Expression Corp. (UGEC), na sinabing pag-aari ng isang banyaga.
Joint venture as in sub-contract.
Wattafak!?
Pagkatapos maplantsa ang ugnayan ng APO-PU at UGEC, ‘yun nagka-ugok-ugok na ang pag-iimprenta ng e-passport.
Bukod sa nagbabayad nang mas mahal na P950 hanggang P1,200 ang mga kumukuha ng passport, hindi pa nila matiyak kung kailan talaga mare-release ang e-passport.
Tatlong buwan rin bago ka makakuha ng schedule sa DFA!
Kung tutuusin halos P400 lang ang puhunan sa isang passport. Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source sa industriya, sa conservative figures, ang single blank booklet ay nagkakahalaga ng P200. Ang microchip na kailangan sa security features — dahil e-passport nga — ay nasa P100 lang. Parehong halaga ang para sa tinta at sinulid na ginagamit sa binding ng passport. Kaya ang P400 ay presyong makatarungan na.
Nakatatanggap ang DFA ng tinatayang 17,000 passport applications sa isang araw. Sa tulong ng online solutions, ang applications ay 24/7, kaya nakapagpo-process ang DFA ng tinatayang 5.1 milyon kada taon.
Ang halaga ng Philippine passport ngayon ay hindi bumababa sa P950 bawat isa. Ang DFA, APO at UGEC ay kumikita ng P500 sa bawat passport na naire-release.
Kung imu-multiply ito sa output na 5.1 milyon kada taon, wow! Tumataginting na P2.55 bilyon ang kita nila.
At dahil 10 taon ang kontrata, ang APO-PU at UGEC ay magkakamal ng P25.5 bilyon sa ilalim ng 10-90 scheme.
Wakanga!!! Tubong-lugaw!
Bukod sa tubong-lugaw, pansinin rin na ang printing plant nito ay nasa ilalim ng economic zone. Ibig sabihin, hindi rin nagbabayad ng buwis ang nasabing imprenta!
Hindi rin sila sakop ng umiiral na Labor Law sa ating bansa kaya malamang, agrabyadong-agrabyado ang mga empleyado nila.
At habang nagkakamal ang APO-PU at UGEC lalo namang dumarami ang nagrereklamo sa mabagal na pag-iisyu ng e-passport.
Marami ang naniniwala na ang operation laban sa itinalagang Secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Perfecto Yasay Jr., ay may kinalaman sa layunin niyang ibaba ang presyo ng e-passport mula P500 hanggang P750.
Kung mangyayari ito, isa ito sa magagandang legacy na iiwanan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa sambayanang Filipino.
Panahon na siguro para pakialaman ng Kongreso ang isyung ito.
Ang nagaganap na iregularidad sa APO-PU ay dapat puruhan ng anti-corruption war ni Pangulong Digong.
Ngayon na!
BUSHFIRES SA STA. ROSA, LAGUNA PINABABAYAAN NA NG REALTOR BINABALEWALA PA NG LOCAL GOV’T!
Tila hindi nababahala ang local government ng Sta. Rosa, Laguna sa nagaganap na bushfire sa Greenfields at Nuvali area.
Kapag nagkaroon ng bushfire, matindi at makapal ang usok na nililikha niyan.
‘Yung kapal ng usok na halos hindi na magkita ang magkasalubong na sasakyan sa highway.
Umaabot na rin ang usok sa mga kabahayan sa loob ng iba’t ibang subdivision diyan sa area na ‘yan.
Kaya marami ang nagkakaroon ng asthma, ubo, sipon, at allergies.
Ayon sa mga residente sa area na ‘yan sa Sta. Rosa, ilang beses na nila itong inireklamo sa local government, pero mukhang binabalewala lang sila at nagkikibit-balikat ang tanggapan ni Mayor Dan ‘papogi’ Fernandez.
Ilan naman ang nagsasabi na mukhang ‘intentional’ ang bushfire dahil mayroong nakaabang na fire truck pero hindi naman umaaksiyon ‘yung fire truck.
Napapansin din umano ng mga mga residente sa mga subdivision sa nasabing lugar, pinalalabas na aksidente ang bushfire dahil ayaw gumastos para magbayad ng mga tagaputol.
Kung naagapan nga naman ang pagpuputol nito bago pa mag-tag-init ‘e tiyak na mababawasan ang pagsulpot ng bushfire.
Mayor Dan Fernandez, Sir, pakinggan mo naman ang hinaing ng constituents ninyo.
Kahit nasa loob ng subdivision ‘yang bushfire na ‘yan mayroong tungkulin ang local government na paalalahanan ang mga realtor na ang bushfire ay malaking banta sa kalusugan at pag-aari ng mga residente sa mga apektadong area.
Maliban na lang kung mayroon kayong ‘deal’ ng mga realtor? Mayroon ba?
Mayor Dan, huwag mo nang hintayin na may mangyari pang malaking disgrasya diyan sa lungsod ninyo bago kayo umaksiyon!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN ni Jerry Yap
About Jerry Yap
Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)