MALAKING panganib ang sinusuong ng mga motorista na dumaraan sa Nuvali, Sta. Rosa, Laguna dahil sa bushfire na lumilikha ng makapal na usok at halos hindi na makita ang mga kasalubong na sasakyan. Panganib din sa kalusugan ng mga residente na maaaring magkaroon ng respiratory problem, sa nasabing siyudad na pinamumunuan ng actor/politician na si Mayor Dan Fernandez. (JSY)
Tila hindi nababahala ang local government ng Sta. Rosa, Laguna sa nagaganap na bushfire sa Greenfields at Nuvali area.
Kapag nagkaroon ng bushfire, matindi at makapal ang usok na nililikha niyan.
‘Yung kapal ng usok na halos hindi na magkita ang magkasalubong na sasakyan sa highway.
Umaabot na rin ang usok sa mga kabahayan sa loob ng iba’t ibang subdivision diyan sa area na ‘yan.
Kaya marami ang nagkakaroon ng asthma, ubo, sipon, at allergies.
Ayon sa mga residente sa area na ‘yan sa Sta. Rosa, ilang beses na nila itong inireklamo sa local government, pero mukhang binabalewala lang sila at nagkikibit-balikat ang tanggapan ni Mayor Dan ‘papogi’ Fernandez.
Ilan naman ang nagsasabi na mukhang ‘intentional’ ang bushfire dahil mayroong nakaabang na fire truck pero hindi naman umaaksiyon ‘yung fire truck.
Napapansin din umano ng mga mga residente sa mga subdivision sa nasabing lugar, pinalalabas na aksidente ang bushfire dahil ayaw gumastos para magbayad ng mga tagaputol.
Kung naagapan nga naman ang pagpuputol nito bago pa mag-tag-init ‘e tiyak na mababawasan ang pagsulpot ng bushfire.
Mayor Dan Fernandez, Sir, pakinggan mo naman ang hinaing ng constituents ninyo.
Kahit nasa loob ng subdivision ‘yang bushfire na ‘yan mayroong tungkulin ang local government na paalalahanan ang mga realtor na ang bushfire ay malaking banta sa kalusugan at pag-aari ng mga residente sa mga apektadong area.
Maliban na lang kung mayroon kayong ‘deal’ ng mga realtor? Mayroon ba?
Mayor Dan, huwag mo nang hintayin na may mangyari pang malaking disgrasya diyan sa lungsod ninyo bago kayo umaksiyon!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN ni Jerry Yap
About Jerry Yap
Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)