Eleksiyon ba o appointment para sa barangay officials?
Jerry Yap
March 24, 2017
Bulabugin
AYAW ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na matuloy ang barangay election ngayong 2017.
Noong nakaraang taon, ipinabinbin ni Pangulong Digong ang nakatakdang eleksiyon noong Oktubre 2016 sa rason na gagastos umano ang sindikato ng ilegal na droga para kopohin ang resulta nito.
Maraming nadesmaya pero maraming umasa na matutuloy na ito ngayong 2017…
Pero muli silang nabigo dahil muling ipinabibinbin ni Pangulong Digong ang barangay election.
Wala na raw eleksiyon, itatalaga (appoint) na lang ang manunungkulang barangay officials. Umaasa ang Pangulo na sa sistemang ito ay mababawasan ang bilang ng barangay officials na impluwensiyado o ginagamit umano ng illegal drug syndicate.
Pero marami ang kuwestiyon kung paano makatitiyak ang Pangulo na hindi papasukin ng kuwarta ng ilegal na droga ang pagtatalaga ng barangay officials imbes eleksiyon.
Kung hindi sigurado sa pamamagitan ng eleksiyon, na dumaraan sa demokratikong proseso at may partisipasyon ng mamamayan sa pamamagitan ng pagboto, tiyak ba ang Pangulo na ang maitatalagang opisyal ay hindi sangkot sa ilegal na droga?
Hindi kaya maisipang gumapang ng mga barangay officials na kung hindi sangkot ay protektor ng mga ilegal na gawain?
Hindi lang ilang barangay officials ang sinabing sangkot sa ilegal na droga, illegal terminal, illegal collections sa vendors, illegal gambling at iba pa.
Hindi pa kasama riyan ‘yung mga barangay officials na mayroong ilegal na koryente at linya ng tubig.
Sa dami ng ilegal na ‘yan, malaki na rin ang kinita ng mga barangay officials na sangkot diyan. Sabi nga, yumaman at nagkamal na sila.
Hindi nga ba’t mayroong barangay official na nahuling naglalaro ng Baccarat sa isang kilalang Casino sa Metro Manila na dumukot ng makapal na P1,000-bill mula sa kanyang dalang bag na punong-puno ng kuwarta?!
Saan kaya galing ang pera ni barangay official? Sa ilegal na droga? Illegal terminal? Illegal gambling o sa iba pang ilegal na gawain?
Ngayon kung appointment ang gagawin ng Pangulo, ano ang kanyang katiyakan na matitinong tao ang maitatalaga niya sa posisyon?
Ang sabi ng Palasyo, mayroon silang inihahandang sistema o mekanismo na pamamahalaan ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco, ng Department of the Interior and Local Government (DILG), at ng Kilusang Pagbabago.
Kung ano man ang sistemang ‘yan, iisa lang ang gusto ng sambayanan, malinis, maayos at hindi kontrolado ng mga ilegalista.
Hihintayin at aabangan po natin ‘yan.
NAKIKIUSAP
KAY MAYOR ERAP
AT DIR. ALCOREZA
HI, nais ko lang po sana humingi ng tulong manawagan kay Mayor Erap at sa MTPB director na si Dennis Alcoreza na sana kami ay pasahurin na dahil marami kaming batch 4 sa MTPB ang hindi pa rin sumasahod simula Sept 2016 hanggang ngayon, ang sinasabi lamang po sa amin ay wala pa kaming plantilla kaya hindi pa kami pinasasahod ngunit sobra na po dahil simula last year wala kaming nakuha na kahit ano sa pinagtrabahuan namin. Kami pong nagtatrabaho nang maayos hindi namin makuha ang sahod ngunit maraming J.O. din sa MTPB ang nagkakapera dahil sa pagpi-fixer na ginagawa nila. Sana po mabigyan po ng pansin ang aking panawagan kay Mayor Erap at Director Dennis Alcoreza. Maraming Salamat po! Pauunahin daw po nilang pasahurin muna ang Jan-March 2017, sana po mauna munang pasahurin ang batch 4 Sept-Dec 2016 bago ang 2017. Nawa’y makarating ito kina Mayor Erap at Dennis Alcoreza at sana ito rin ay maibalita. Maraming salamat po!
— princesspptc@gmail.com
IDINI-DELAY OT PAY
NG AIRPORT EMPLOYEE
GOOD am sir Jerry, paki-relay info kay GM Monreal na laging delay overtime pay namin ng 2-3 araw kahit may memo cya na i-release every 20th of the month. Sinasadya ‘yan ng sindikato ng 5/6 sa finance at cashier para umutang sa kanila. – Concerned airport employee lng po. Pls hide my number.
+63918449 – – – –
REACTION SA TOKHANG
BAKIT ho ang PDEA at ang NBI sa mga ginawa nilang mga raid sa mga drug pusher/usher ay walang lumaban sa kanila na gamit ang paltik na .38 pero sa PNP libo-libo ang napatay nila na paltik na .38 ang gamit ng pinatay nila. At pare-pareho ng ilang piraso ng shabu ang nakukuha sa bulsa ng pinapatay nila na mahihirap na usher at pusher ng shabu. Ibinalik na naman ang Katok Tokhang. ‘Yun na naman ang sasabihin ng mga pulis, nanlaban gamit ang .38 na paltik kaya nila pinatay.
+63933340 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap