Kontrol sa armadong labanan dapat pangatawanan ng NDF
Jerry Yap
March 15, 2017
Opinion
ANG Filipinas daw ang may pinakamahabang insurhensiya sa buong mundo.
Ibig sabihin, matindi ang determinasyon ng mga rebeldeng komunista na maiposisyon ang kanilang mga mithiin at adyenda sa lipunan.
‘Yan din siguro ang dahilan kung bakit kahit ilang beses nabulilyaso ang usapang pangkapayapaan ay patuloy nila itong iginigiit.
Hindi natin tinatawaran ang determinasyon at pagiging matiyaga ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NDF).
Pero ang tanging hinihiling ng sambayanang Filipino sa CPP-NDF, sana naman masuheto nila muna ang armadong New People’s Army (NPA) sa pang-a-ambush ng puwersang militar.
Gaya ngayon, papasok muli sa peace talks ang Government of Republic of the Philippine (GRP) at NDF. Nagkaisa sila na ituloy ang peace talks pero wala pang ceasefire, kaya hindi na tayo magtataka kung habang nag-uusap ang mga kinatawan ng GRP at NDF ‘e maging walang puknat naman ang labanan sa countryside ng NPA at AFP.
Kung tutuusin, malayo na rin naman ang narating ng peace talks sa pagitan ng GRP at NDF.
Sa joint statement na inilabas ng GPH-NDFP panel, sinabi nilang ipagpapatuloy ang pormal na usapang pangkapayapaan at didiin sa pagpapatupad ng mga naunang bilateral agreements, kasama ang The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Umaasa tayong ibabalik ng gobyerno at NDFP ang kani-kanilang unilateral ceasefire na ipatutupad bago ang nakatakdang fourth round of talks sa susunod na buwan, at kapag naipabatid na sa mga puwersa ng pamahalaan at rebelde.
Kapag naibalik ang JASIG matitiyak na walang magiging hadlang sa partisipasyon ng 19 NDFP consultants at staff sa peace talks na pinalaya noong Agosto 2016, palalayain ng gobyerno ang “rearrested consultant” at titiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng lahat ng consultants, gayondin ang pagpapalawig ng bisa ng kanilang piyansa at iba pang legal na remedyo.
Itinakda ng magkabilang panig ang pagdedeposito at pagpapatago nang muling binuong listahan at larawan ng NDFP consultants na may hawak ng safe conduct pass o saklaw ng JASIG ngayong araw, 14 Marso, at ang mga dagdag na patakaran hinggil sa kanilang dokumento.
Napakahusay na garantiya niyan para sa mga rebeldeng komunista.
Wish lang natin na bago maganap ang fourth round ng peace talks sa unang linggo ng Abril, ay maipatupad na ang peace talks.
At kahit wala pang ceasefire ngayon, sana’y maging payapa muna ang magkabilang panig lalo’t pinaplantsa na ang muling paghaharap ng GRP at NDF.
Naglalagari ba si Supt. Rogelio Ramos?
MPD MALATE STATION (PS9)
NATAKASAN NG 2 INMATES!
Nagtataka tayo kung paano natakasan ng dalawang inmates ang Manila Police District (MPD) Malate Station (PS9) gayong ang detention cell nila ay katabing-katabi lang ng sarhento de-mesa?!
Wattafak!?
Mantakin ninyo, nilagari raw ang rehas? Hindi ba narinig ng sarhento de-mesa ang paglalagari?!
Naalala natin noong early 2000, natakasan ng limang preso ang MPD Malate Station noong nasa Manila Zoo pa ang kanilang lokasyon. Ang detention cell nila noon nasa likuran. Kaya nakatakas ang mga preso kasi sa loob mismo sila ng Zoo dumaan.
Pero ngayong, katabi lang ng sarhento de-mesa ang detention cell, natakasan pa?!
Anak ng tokhang!
MPD PS9 commander, Supt. Rogelio Ramos, mukhang wala ‘yatang lespu ang estasyon ninyo?!
Bakit? Saan ba kayo naglalagari?!
Tsk tsk tsk…
MPD director, Gen. Jigz Coronel, Sir, pakipasyalan naman ‘yang Malate Station, baka masyadong nalilibang sa Harrison Plaza ang mga lespu ninyo diyan…
Check, check din kapag may time, Gen, Jigz Coronel, please!
TIWALA NI TATAY DIGS
KAY CESAR “BUBOY”
MONTANO BUO PA RIN
Sinampahan na nga ng reklamo si Tourism Promotions Board, chief operating officer, Cesar Montano dahil umano sa sandamakmak na iregularidad sa kanyang tanggapan na kinasasangkutan niya mismo at ilang kaanak umano.
Isinama raw ni Buboy sa kanyang tanggapan ang kapatid na si Rommel, iba pang kaanak at mga kaibigan, bukod pa sa pagpasok sa mga kuwestiyonableng kontrata.
Kabilang dito ang mga kontratang nagkakahalaga ng P11,200,000 sa Carat Philippines; ang P16.5 milyong sponsorship sa rally noong Pebrero 25 sa Luneta Park rally at P12-milyong sponsorship sa “Jadine United States and United Arab Emirates Concert Tour 2017.”
Lahat daw ng kontratang ‘yan ay sinabing kabilang si Buboy sa mga performer.
Sa kanyang opisina naman, may job orders na, may pool of sulsultants ‘este consultants pa.
Kung pera ang pag-uusapan, alam naman nating marami na niyan si Buboy.
Consultants and job orders?!
Aba, sabi nga, sinong government officials daw ang hindi kumukuha ng sulsultants ‘este consultants at job order employees, lahat sila meron niyan.
Sabi nga, ‘yan ‘yung mga iregularidad na naging regular dahil naging kalakaran sa mga opisina ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Pero sana, maintindihan ng mga appointee na dala nila ang pangalan ng Presidente.
Dapat maging maingat sila sa kanilang mga trabaho at desisyon.
Kaya kung ano man ang gawin nila, ‘yan ay magre-reflect sa ating Pangulo.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap