HINDI kami nagulat nang tumutol si Ate Vi (Cong. Vilma Santos-Recto) sa death penalty. Siyempre ang inaasahan ng marami ay boboto siya ng pabor dahil siya ay kabilang sa tinatawag na “majority bloc”, na sinabihan namang aalisan ng committee chairmanship kung boboto ng laban sa death penalty bill.
Pero sinasabi ni Ate Vi, nakagawa siya ng konsultasyon sa kanyang mga nasasakupan sa Lipa, at naniniwala kaming malawak ang ginawa niyang konsultasyon dahil may nakausap nga kami na maging ang kanyang fans, iyong mga Vilmanian ay tinanong niya tungkol doon.
Isa pa, kilalang pro-life si Ate Vi. Natatandaan pa ba ninyo, noong panahon ng controversy niyong RH law, kung kailan governor siya ng Batangas. Hindi ba nagpahayag siyang tutol siya sa RH law na isinusulong noon ng administrasyon?
Sinabi rin naman ni Ate Vi, naniniwala siya na kahit na sabihin mong pusakal na criminal, dapat tulungan para makapagbago at makabalik nang tama sa lipunan. Hindi siya naniniwala na iyong mga criminal ay dapat pagpapatayin na lang.
Siguro ang isang malakas pang impluwensiya ay ang katotohanang malapit si Ate Vi sa simbahang Katoliko. Kung natatandaan ninyo, siya ang nagpanukala maging ang fluvial procession ng Birhen ng Caysasay sa paligid ng Taal Lake. Siya rin ang opisyal na noon ay hindi nga siguro tuwirang inendoso, pero alam na malapit sa rating Arsobispo ng Lipa, Romeo Arguelles.
May isa pa kaming natatandaang posibleng naka-impluwensiya sa kanyang desisyon. Natatandaan namin noong araw, talagang pinag-aralan niya ang kuwento at kaso niyong si Baby Tsina. Siya ang lumabas sa role na iyon sa pelikula. Iyang si Baby Tsina ay ang kauna-unahang babaeng nahatulang mamatay sa silya elektrika. Pero may abogadong nagmagandang loob at tinulungan siya. Nang makarating sa korte suprema, lumabas na wala palang kasalanan si Baby Tsina. Hindi lang siya nakaligtas sa silya elektrika, pinalaya pa siya.
Eh paano nga naman kung kagaya ni Baby Tsina, eh ‘di walang kasalanan iyong nabitay.
Maggie dela Riva, pabor sa death penalty
IBA naman ang opinion ng beteranang aktres na si Maggie dela Riva. Pabor siya sa death penalty pero gusto niyang ipilit na isama ang rape sa hahatulan ng kamatayan. Si Maggie ay naging biktima ng rape, at tatlo sa mga nang-rape sa kanya ang napaupo sa silya elektrika. Iyong isa ay namatay bago pa igawad ang hatol na kamatayan.
May katuwiran din naman si Maggie, dahil nagbigay siya ng opinion batay sa kanyang mapait na karanasan. Pero kung iisipin hindi kaya mas magaan iyong parusang kamatayan kaysa kung hinayaang magdusa habambuhay ang mga gumahasa sa kanya? Hatulan nila iyang mga iyan ng five life sentences, aba masahol pa iyon sa kamatayan, maliban na lang kung may koneksiyon at makapagpatayo pa ng seldang mala-condominium sa loob ng bilibid.
Aba matapos naming malaman na ang sasarap pala ng buhay ng mga drug lord na nakakulong sa bilibid, may nakapagtayo pa ng recording studio. May swimming pool pa. Tuloy pa rin ang negosyo nila ng droga kahit na nakakulong na, aba eh maiisip mo nga siguro bitayin na iyan. Pero dapat bitayin din ang mga nakipagsabwatan sa kanila.
Pero kung kami personally ang tatanungin, naniniwala kami na ang buhay ay kaloob ng Diyos at ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi niyon.
HATAWAN – Ed De Leon