‘Mighty deal’
Jerry Yap
March 11, 2017
Opinion
TILA areglong walang lusot.
‘Yan ang usap-usapan sa mga coffee shop matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na puwede makipagkompromiso ang kanyang administrasyon sa tax evader na Mighty Corp., na pag-aari ng isang Alex Wong Chu King, ang sinabing nagmamanupaktura ng mga produktong sigarilyo na dinadaya ang paglalagay ng selyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang alok kasi ni Pangulong Digong ay P3 bilyones para huwag na siya sampahan ng kaso o kung makasuhan man ay ipa-pardon siya.
Magbibigay naman kaya?
Kung hindi kakayanin ang P3 bilyon, ‘e di tuloy ang kasong tax evasion at economic sabotage.
Ang modus operandi umano, dahil hindi pa naipipirmis ng mga imbestigador, una, puwedeng nakakuha raw ng mga selyo na labis sa ipinaimprenta ng APO production unit sa ilalim ng National Printing Office (NPO). Ikalawa, puwedeng ang Mighty Corp., mismo ang gumagawa ng pekeng selyo dahil iisa ang supplier ng tinta ng APO at ng Mighty Corp.
Alin man sa dalawa ang modus operandi ng Mighty Corp., ang sinasabi ng mga awtoridad, mayroong tax evasion at economic sabotage.
Ngayon, dahil ito ay kaso ng tax evasion at economic sabotage, ayon mismo kay Pangulong Digong mayroong batas na naggagarantiya na puwedeng makipagkompromiso ang tax evader sa pamahalaan.
Sa ganitong premise pumasok ang mighty deal ng Pangulo kay Wong Chu King — kung ang halaga ng buwis na ‘ninakaw’ niya sa pamahalaan ay P1.5 bilyon — pumapayag ang Pangulo na magbigay siya P3 bilyon para hindi na siya sampahan ng kasong tax evasion at economic sabotage.
‘Yang P3 bilyones, sabi ng Pangulo, ay ilalaan sa ospital para sa Basilan, sa Jolo at sa Mary Johnston Hospital.
(Sideline na tanong: Bakit sa isang pribadong ospital na gaya ng Mary Johnston? ‘E nariyan ang Tondo General Hospital (under DOH), Ospital ng Tondo, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center at Jose Abad Santos Memorial Medical Center sa Binondo na pawang ipinatayo ni dating Manila Mayor Alfredo Lim?)
Pero ito ang malaking tanong: gaano ka-mighty ang deal na ‘yan?!
Ibig nating sabihin, garantisado ba na papasok sa ganyang deal ang Mighty Corp.?
E nakita naman ninyo kung sino ang abogado nila — Atty. Sigfrid Fortun.
Aaralin lang niya ang tax evasion cases ni El Kapital a.k.a. Lucio Tan na sinampahan din ng kasong tax evasion, noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, pero may nangyari ba?!
Nagpalit lang ng administrasyon, nagbago na ang ihip ng hangin. Mukhang nanalo pa sa asunto si El Kapitan.
Nakikita naman natin ang taktika ng Pangulo sa kanyang alok na ‘mighty deal.’ Malaking tulong nga naman sa bayan kung kayang magbigay ng P3 bilyon.
Pero kung maibigay man niya ‘yan, ano ang garantiya na hindi na nila uulitin ang ginagawa nilang pandaraya sa gobyerno?!
Hindi ba’t kung mapapatunayan ang kasong tax evasion at economic sabotage, may karapatan ang gobyerno na kompiskahin ang kanilang mga ari-arian?!
Tingnan natin kung paano sasagutin ni Wong Chu King ang ‘mighty deal’ ng Pangulo.
Abangan!
CONFIRMATION NI DENR
SECRETARY GINA LOPEZ
DINAYO NG SANDAMAKMAK
NA OPPOSITORS
Nakalulunod ang dami ng oppositors sa kompirmasyon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regina Paz Lopez sa pagdinig ng ‘makapangyarihang’ Commission on Appointments (CA) na pinamumunuan ni Senator Manny Pacquiao.
Incompetent umano bilang DENR Secretary si Madam Gina Lopez dahil ipinasara niya ang 23 minahan at kinansela ang 75 mining production sharing agreements nang walang due process kaya nagkaroon daw ng shake-up sa multi-billion-peso industry.
Actually, nakahahanga ang mga inilahad na argumento ng mga oppositor, lalo na ang mga estudyante mula sa University of the Philippines (UP). Ganoon din ang mga lider-katutubo na nagsasabing, malaki ang naitutulong sa kanila ng mga minahan.
Positibo rin kaya ang epekto ng mga minahan sa mga ordinaryong katutubo?! Tumaas ba talaga ang antas ng kanilang pamumuhay dahil sa mga nasabing minahan?!
E sabi nga ni Madam, multi-billion-peso industry pala ‘yan, ‘e bakit, dahop na dahop ang mga komunidad na malapit sa minahan?!
Mayroon bang mining companies na nakapagpatayo ng isang state-of-the-art na eskuwelahan at ospital sa mga komunidad na kanilang pinagmiminahan?!
Ang ino-offer nila ay scholarship (kuno)… para lumikha ng mga ‘henyo’ na magpapatuloy sa ‘panggagahasa’ ng likas na yaman ng ating bansa?
Ang isa pang ipinagtataka natin, bakit sa dami ng mga isinasalang sa confirmation, ta-nging si Madam Gina lang ang muntik malunod sa mga oppositor at wala man lang dumating na pro-Gina?
Totoo rin kaya ang usap-usapan na malaking kuwarta ang pinakawalan ng mga oppositor na karamihan ay kilalang malapit sa mga mining companies and bosses?!
Totoo rin kaya na may miyembro ng CA na malalapit na kaibigan ng ilang malalaking minero?
Tayo po ay nagtatanong lamang…
Abangan na lang po natin ang mga susunod na hearing sa confirmation ni Madam Sec. Gina Lopez.
PAGING: DSWD
GINOONG YAP, hulihin po ang menor de edad na gumagala d2 sa lugar namin at dalhin na po sa DSWD. Syia po ay c The—— B— na isang nymphomaniac at hinihinalang carrier ng HIV AIDS. Nababahala na kami d2 sa CAA LAS PIÑAS. Nakatira po sa MATINDI ST., Gumagala sa gabi, umuuwi madaling araw na. Pakiusap ikulong na po bago mahawa ang mga kabataan d2 sa amin. Maraming salamat po. Isa rin akong residente sa lugar na ito.
+63946402 – – – –
IWASAN
ANG OVERLOADING
SA PUB
HALOS lahat ng aircon buses sa MM ay nagpupuno ng napakaraming pasahero hanggang estribo. Dapat pagtuunan ng MMDA at LTO dahil delikado ito. Hindi lng sa mga pasehero kung hindi para sa ibang sasakyan sa kalye, baka pumutok ang mga gulong ‘pag araw2 ay nag-over exceed ng capacity.
– FERDINAND VENTAYEN, Bago Bantay, QC.
+63975553 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap