Sino ba talaga ang destabilizer sa Duterte administration?
Jerry Yap
February 23, 2017
Opinion
PRANING, nagpapansin o talagang mahilig lang gumawa ng sariling multo?!
‘Yan po ang tanong ng ilang katoto natin sa Palasyo sa sinasabi ni Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, na mayroong ouster plan o destabilization plot laban kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Itinanggi na ito kapwa nina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., at National Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Pero patuloy na pinaninindigan ni Andanar na mayroon siyang intelligence report at pinaniniwalaan niyang bahagi ang press conference ni SPO3 Arthur Lascañas na nagkaroon umano ng ‘hatagan’ na US$1,000 sa mga reporter.
Mariing itinanggi ng Senate reporters ang hatagan at nag-demand ng public apology mula kay Andanar. Ganoon din ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na nagsabing kung hindi ito mapapatunayan ni Andanar ay makabubuting magbitiw na siya.
Ang pinakahuling pangyayari kaugnay nito, ang mainit na palitan ng maaanghang na salita ni Andanar at ni PDI reporter Marlon Ramos na ayon sa PTV4 ay nagwakas nang maayos.
Kaya ang tanong ngayon ng madlang bayan, sino ba talaga nga destabilizer?! May nanggugulo ba talaga?
Mayroon ba talaga?!
O mismong mga ‘bata’ ni Tatay Digs ang nagpapakalat nito?!
Hindi naiintindihan ng nagpapakalat ng ‘tsismis’ na ‘yan na bulok na ang ganyang style.
Marami nang gumamit niyan hanggang hindi na nga pinaniwalaan.
Kung classified ba ang intelligence report ng destabilization plot, dapat bang ihayag sa publiko?!
Trabaho ng intelligence group na i-confirm ‘yan at kung positibo nga ‘e trabaho ng mga kinauukulang awtoridad para biguin ‘yan.
Hindi kayang biguin ng ‘kiyaw-kiyaw’ ang isang planadong destabilisasyon.
Gusto tuloy natin tanungin si Secretary Paandar ‘este Andanar, nakatutulog ka pa ba sa trabaho mo?
Baka naman kulang ka na sa tulog Sir kung kaya kung ano-ano nang pumapasok sa kukote mo?
O baka naman gusto nang magtrabaho sa intelligence group ni Secretary Andanar?!
Relax-relax din kapag ay time Secretary Andanar, para ka tuloy praning.
Gusto mo yatang gumawa ng ‘sunog,’ ang siste, ikaw ang nasunog.
Hinay-hinay lang po ang andar Seretary Andanar!
KAPAG SUGAL SA CASINO, LEGAL
PERO KAPAG SUGAL-LUPA ILEGAL?
Umarangkada na nga ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa tinatawag nilang illegal gambling.
Pero mukhang ang abot lang ng mga operatiba ng PNP ay hindi malakihang ilegal na sugal kundi sugal-lupa lang.
‘Yung mga cara y cruz, numbers game, colors game, video karera at iba pang itinuturing na sugal-lupa ang unang-unang inopereyt ng mga operatiba ng PNP.
‘Yang sugal-lupa, barya-barya lang…piso-piso pinakamalaki na ang P100 na matalo riyan.
‘E ‘yung mga casino, hindi ba ilegal ‘yan?!
Sa casino, mahina ang P5,000 puhunan pagpasok mo pa lang diyan.
Ilan na ba ang nalubog at nalugmok sa casino?!
Ang nasirang pamilya dahil sa casino? Bumagsak na negosyo dahil sa casino?
Hindi na mabilang…
Kapag maliitan, ilegal? Kapag bigtime gaya ng casino legal?!
Ganyan din ba sa droga? Kapag shabu at marijuana ilegal. Kapag cocaine at ecstacy hindi ma-tokhang?!
Hindi kaya nagiging ipokrito tayo pagdating sa isyu ng sugal?!
TATLONG KOTONG MTPB
TULOY ANG LIGAYA?!
BOSS Jerry, hindi nabigyan ng sanction ‘yung tatlong MTPB enforcer na ipinalabas sa telebisyon na nangongotong na sina Vitug, Angeles at Buaron. Balewala at hindi kinastigo man lang ni MTPB chief Dennis Alcoreza. Lunes hanggang ngayon ay maghapon pa ho naka-duty. Tuloy pa rin ang pagpasok ng tatlong kamote sir kaya patuloy pa rin ang pananalasa at pangongotong sa mga motorista. Iba na talaga ang systema at laban dito sa Maynila.
– Concerned MTPB enforcer
+63945558 – – – –
DAGDAG TARYA
SA DIVI VENDORS
Ka Jerry, dagdag pahirap n nman sa mga vendors itong dagdag unit ng MTPB. Anti-illegal parking pero may tarya rin sa vendors dto sa divisoria. Sana si Pres. Duterte na ang humuli sa kanila. Sobra na cla.
+63918611 – – – –
KUPITAN DAPAT
ITAPON SA BASILAN
GOOD am sir Jerry, bakit hndi naisama itong si Kupitan ng MPD na hawak lahat ang intelihensiya sa Maynila? Dapat nga i-lifestyle check rin. May bravo rin siya. Isinusuka na ho yan sa MPD pero malakas maghatag kaya nakapupuwesto pa rin. Walang accomplishment puro pitsa ang lakad.
– Concerned Police MPD.
+639158699 – – –
PALAKASAN SA MPD PERSONNEL
NA ITATAPON SA BASILAN
SIR Jerry, ‘yung ilan pulis na kasamahan namin na ipapadala sa Mindanao ay wala naman bad record. Binunot sa mga presinto at iba’t ibang unit sa MPD. Pero nagtataka kami bakit sa DPIOU ay wala kahit isang pulis na naisama sa listahan. Mukhang sila pa ang naglaglag sa mga pulis na itatapon. Ang dami rin bagman na naiwan. Sobrang unfair nman ho ‘yan.
+63915470 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap