Matindi ba talaga ang kamandag ni Janet Napoles?
Jerry Yap
February 17, 2017
Opinion
WATTAFAK!?
Kailan pa naging abogado ni pork barrel scam queen Janet Napoles si Solicitor General Jose Calida?
Ayon kasi kay SolGen Calida, dapat daw palayain si Napoles dahil mayroong naganap na injustice.
Binalewala raw kasi ng hukuman ang mga ebidensiya ni Napoles na hindi niya ikinulong ang pinsan na si pork barrel whistleblower Benhur Luy.
At ang punto de vista na ito ni Calida ay kinakatigan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Ibig sabihin ba nito, pabor ang Palasyo na pakawalan si Napoles?!
Somethin’ smells fishy here…
May kaugnayan kaya ito sa pagiging Kidapawnon ng hubby ni Janet na si Jimmy Napoles?
Kung “injustice” ang rason ng SolGen, aba napakaraming biktima niyan na nabubulok ngayon sa kalaboso.
Lahat ba ng kaso ng injustice ay narerepaso ng SolGen?
Nakapagtataka naman na sa dami ng mga biktima ng injustice ‘e ‘yung kay Napoles pa ang unang napansin at hindi ‘yung mga kaso na ilang taon nang nagdurusa sa bilangguan kahit walang kasalanan.
Hey Mr. SolGen, baka nalilimutan ninyong mayroon pang kinakaharap na kaso sa pork barrel scam si Napoles?!
Bukod diyan, naghain siya ng apela niya sa Court of Appeals (CA). Bakit hindi hintayin ang desisyon ng CA at bakit kailangan madaliin ng SolGen ang pagpapalaya kay Napoles?!
Hindi ba naiisip ni SolGen Calida na kapag inabsuwelto si Napoles sa kasong illegal detention case ay maapektohan ang kredibilidad ni Luy?
At ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa pagiging state witness niya laban sa mga akusado sa P10-B pork barrel scam na sina dating senators Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Juan Ponce-Enrile, at kanyang chief of staff na si Gigi Reyes.
Ito na kaya ang sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang talumpati noong 21 Agosto 2016 sa Davao City, na dapat mabusisi muli ang kaso ni Napoles?!
“I have some revealing things to tell you about it. You just wait. The Napoles case should deserve a second look.”
Ibig sabihin ba, na ganyan katindi ang kamandag ni Janet Napoles kahit sa Duterte administration?!
Tsk tsk tsk…
SENIOR CITIZENS
GINAGAWANG
TIMAWA NG OSCA
SA PASAY CITY
Ayon sa mga senior citizen na nakausap natin, ‘seasonal’ ang trato sa kanila ng Office for the Senior Citizen Affairs (OSCA) ng Pasay City.
Seasonal, meaning, special treatment sila kapag eleksiyon. Pero kapag tapos na ang eleksiyon, no pansin na sila.
Gaya ng naranasan nila, kailan lang.
Pumunta sila sa OSCA para kunin ang kanilang P500 birthday gift ni Mayor Tony Calixto. Maaga pa sa 8:30 am ay naroon na ang mga senior citizen. Alam naman ninyo, ang mga senior citizen, mga early riser ‘yan.
Ang siste, ‘yung magre-release ng P500 birthday gift, pasado 10:00 am na, wala pa rin?!
Kaya kailangan pa siyang sunduin ng marshalls.
Noong dumating naman, imbes ayusin ang proseso, inuna ‘yung may mga kakilalang marshalls. Kaya imbes matapos nang maayos, e marami ang sumama ang loob lalo ‘yung mga dumating nang maaga.
Maraming senior citizen ang naghimutok dahil nauna pa sa kanila ‘yung mga huling dumating. Ibig sabihin, may palakasan system.
Maraming senior citizen ang hirap nang maglakad habang ang iba ay may iniindang sakit.
Nagpunta sila para makuha ang P500 birthday gift ni Mayor Calixto at maipandagdag sa kanilang pangangailangan. Pero dahil sa sama ng loob at kunsumisyon, mukhang sa gamot pa napunta ‘yung P500.
Sino ba ‘yang namamahagi ng P500 birthday gift ni Mayor Calixto?!
Ipapamahagi na lang naaantala pa nang husto.
Kung si Mayor Calixto hindi magkandaugaga sa paggawa ng serbisyo na ikasisiya ng kanyang constituents, ‘yung namamahala naman sa P500 birthday gift para sa senior citizen, hindi magkandaugaga kung paano ito palalabasing palpak.
Aba, mukhang may dapat kang kastigohin diyan, Mayor Calixto!
GRANDSTANDING
NA NAMAN SA SENADO
Wala tayong napiga sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng ‘suhulan o kikilan’ sa dalawang (2) immigration associate commissioners.
Mukhang tatagal pa ang hearing sa isyung ito. Wish lang natin huwag magamit sa grandstanding.
Parang wala rin nangyari kahit nandiyan na si Wally Sombero.
Wala naman siyang inilalabas na esensiyal na impormasyon at mukhang nagpapaikot-ikot lang din.
Senator Richard “Dick” Gordon, tumbukin mo na ang mga gusto mong sabihin. Huwag nang paikot-ikot pa.
Sayang ang oras sa Senado!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap