POSIBLENG ilabas na ano mang araw ngayong linggo, ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa isinampang mga kaso laban kay Sen. Leila de Lima, dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, baka hindi na lumagpas nga-yong linggo, ilalabas na ng Department of Justice (DoJ) ang resolusyon sa graft at drug trafficking complaints laban kay De Lima.
Paliwanag ni Aguirre, kaya natagalan ang paglabas sa resolusyon, dahil binubusisi pa ng panel of prosecutors, na pinangungunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, ang reklamo.
Ito ay para maresolba nang maayos ang kaso, at managot ang mga sangkot sa paglaganap ng droga sa bansa.
Noong 21 Disyembre 2016, “submitted for re-solution” na ang kaso, at inatasan ng DoJ ang “five-man panel of prosecutors” na magdesisyon sa isyu.
AGUIRRE KAKASUHAN NI DE LIMA
MAGHAHAIN ng reklamo si Senadora Leila De Lima laban kay Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre, sa tanggapan ng Ombudsman.
Ang pagsasampa ng kaso laban kay Aguirre ay kaugnay sa confidential memo para sa special treatment sa high profile inmates na tumestigo laban sa senadora, at nagdiin sa kanya sa pagkakasangkot sa illegal drugs trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Iginiit ni De Lima, ang naturang confidential memo ay naging dahilan upang manumbalik ang mga kontrabando sa loob ng piitan.
Nagdududa ang senadora dahil walang ginagawa si Aguirre sa nasabing special treatment sa high profile inmates, katulad ni Herbert Ampang Colangco. (CYNTHIA MARTIN)