Mega drug rehab center umaalog sa 127 pasyente (Nasaan ang libo-libong users at pushers na sumuko?)
Jerry Yap
February 14, 2017
Opinion
NARITO tayo ngayon sa henerasyon at panahon na mas marami ang nag-iisip ng problema kaysa nag-iisip kung ano ang solusyon.
Nang simulan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang kanyang giyera kontra ilegal na droga, marami ang nagtanong, saan dadalhin ang mga sumukong drug users at drug addicts gayong kulang na kulang umano sa drug rehabilitation facilities ang gobyerno.
Nagkaroon ng solusyon si Pangulong Digong nang ipatayo ang Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (MDATRC) sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija sa tulong ng isang Chinese philantropist.
Pero hindi talaga nawawalan ng pintas o puna ang ayaw maniwala sa programa ng Pangulo na itutumba ang sindikato ng ilegal na droga sa bansa.
Bago tanggalin ni Pangulong Digong ang Oplan Tokhang sa kamay ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) marami nang nagrereklamo sa ginagawang pang-aabuso ng ibang galamay ng pulisya.
Anila ang mga pumapatay sa pinaghihinalaang mga adik at tulak ng ilegal na droga ay mga galamay ng sindikato.
Sa kabuuang bilang umabot na sa 1,189,462 ang sumuko batay sa ulat ng Rappler. Ang mga adik na sumuko ay umabot na 1,110,113 habang ang mga tulak ay 79,349.
Dahil hindi kasing-bilis ni Digong mag-isip at kumilos ang kanyang mga Gabinete, heto na naman ang bagong problema sa operasyon ng MDATRC sa ilalim ng Department of Health (DoH) na pinamumunuan ni Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial.
Halos 127 pasyente pa lang mula sa Bulacan at Nueva Ecija ang ginagamot at inaalagan nila sa MDATRC na ang sabi ay may kapasidad na 10,000 pasyente.
Nagbukas ang MDATRC noong 30 Nobyembre 2016. Pero hanggang ngayon 127 pa lang ang mga sumasailalim sa rehabilitasyon.
Inamin ni Secretary Ubial na sila man ay “caught flat-footed, unprepared and surprised” dahil sa bilis ng operasyon at sa dami ng sumukong adik at tulak. Pero itinuturing niyang ang drug epidemic sa bansa ay isang “health problem.”
Sabi nga niya, “Abusers are mental health patients who need to (be) cured.”
‘E ‘yun naman pala, e bakit hindi bilisan ng DoH ang pagpoproseso para mailagay na riyan sa MDATRC ang mga sumukong adik at tulak!?
‘Yung sinasabing bilyon-bilyong pondo, bakit hindi gamitin para kumuha ng mga doktor, nurses, psychologists, social workers at therapists?!
Lahat ba ng mga problemang susulpot diyan sa MDATRC, ipapasa muna nila kay Pangulong Digong bago sila mag-isip ng resolusyon?
Nasaan na ‘yung mga taga-DOH at DDB na laging pinadadalo sa kung ano-anong seminar at studies sa ibang bansa kaugnay ng illegal drug abuse?!
Bakit hindi sila ilagay diyan sa MDATRC?
Si Pangulong Digong na naman ba ang mag-iisip kung paano reresolbahin ang problemang ‘yan?!
Kaya mo ba talaga ang trabaho diyan sa MDATRC, Secretary Ubial?
Aba, magdeklara ka nang maaga habang may pondo pa. Baka naman itaas mo ang iyong kamay kapag wala nang pondo saka ka sisigaw ng “Suko na ako!”
Remember, Madam Secretary, ‘centerpiece’ program ni Pangulong Digong ‘yan.
Uulitin ko lang po, Madam Secretary, kaya mo ba ang trabaho riyan sa MDATRC o hindi?!
HAPPY VALENTINE’S
SA INYONG LAHAT!
Ngayong araw, lamigan po ninyo ang inyong mga ulo, dahil tiyak, grabe ang magiging traffic lalo sa Metro Manila.
‘Yung mga kapos ang budget, huwag na huwag magso-short time sa Maynila dahil BAWAL daw.
Kaya umiba kayo ng mga lugar ninyo.
Malamang ganoon din sa mga mga lugar na dinarayo for a dinner date.
Mas mainam siguro kung mag-stroll na lang ang mga lovers para mabawasan din ang mga sasakyan sa kalsada.
Anyway, ano man ang gusto ninyong paraan ng pagdiriwang ng puso, be safe and be happy!
Happy Valentine’s po sa inyong lahat!
SECRETARY JESUS DUREZA
AT SECRETARY BEBOT BELLO
SA KAPIHAN SA MANILA BAY
Bukas, muling uusok ang talakayan tungkol sa ibinasurang usapang pangkapayapaan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines sa nangungunang news forum na Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico, Malate, Manila.
Magiging panauhin bilang tagapagsalita sina Peace Process Secretary Jesus Dureza at Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello.
Makipakuwentohan tayo kina Secretary Dureza and Secretary Bello habang humihigop ng mainit na kape kasabay ng masarap na almusal sa Café Adriatico.
Tara na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap