Hey “Joe” Yasay! it sounds that ‘Yankee’ will be sent away today?!
Jerry Yap
February 13, 2017
Bulabugin
MUKHANG sasayaw sa bubog si Secretary Perfecto Yasay sa pagdinig na gagawin ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) sa 22 Pebrero para sa pagtatalaga sa kanya bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Isa sa mga gustong maklaro ng isang komite sa CA na kinabibilangan ni Sen. Panfilo Lacson ang isyu tungkol sa citizenship ng Kalihim.
Ayon kay Senador Ping, mayroong request ang House contingent na gusto nilang marinig mismo sa bibig ni Secretary Yasay na, “Hindi na ako American citizen pero sa isang panahon ay naging American citizen ako.”
Naniniwala naman tayo sa kredebilidad ng mga kumukuwestiyon sa citizenship ni Secretary Yasay. At wala namang mawawala kung sasagutin niya nang totoo at pawang katotohanan ang mga tanong.
Hey Joe Yasay, the truth will set you free, so tell the truth!
‘Yun lang, hindi rin natin masisisi kung mayroon mang mga nagdududa sa sobrang ka-estriktohan ng CA sa kaso ni Secretary Yasay.
Bakit parang gigil na gigil ang ilang taga-CA na malaglag sa confirmation ang Kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA)?
Ngayon pa na malapit na ang buwan ng Mayo.
Ibig sabihin, isang taon na ang nakalilipas matapos ang nakaraang eleksiyon…
And maybe, it’s another payback time for President Rodrigo “Digong” Duterte?
Hindi ba’t noon pa man ay malakas na ang higing na gustong-gusto ng Pangulo na maitalaga sa DFA ang kanyang running mate na si Senator Alan Peter Cayetano?
Hindi kaya, ang hearing sa 22 Pebrero ay araw ng pamamaalam ni Secretary Yasay sa DFA?!
Mabigat ang basehan para tuluyang ibasura ng CA ang kompirmasyon kay Secretary Yasay lalo kung aamin siya o mapapatunayan na siya pala ay isang American citizen.
Napakasuwerteng tunay ni Senator Alan kapag nagkataon.
Ang tanong lang natin, gusto ba naman ni Senator Alan na maging DFA Secretary, gayong ang kanyang presidente ay masyadong ‘malikot’ mag-isip kung diplomatikong relasyon ng Filipinas sa ibang bansa ang pag-uusapan?!
Abangan natin ang mga susunod na kabanata, mga suki!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap