DENR Secretary Gina Lopez: Mining companies hindi nakatutulong sa ekonomiya ng bansa
Jerry Yap
February 9, 2017
Opinion
WALA pa yata tayong nakitang matapang na kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung hindi si Secretary Gina Lopez.
Kung ang tingin ng mamamayan kay Secretary Lopez ay isang socialite na napaboran ng administrasyong Duterte para italaga bilang kalihim ng DENR at proteksiyonan ang interes ng kanilang pamilya, puwes, ito ang pruweba na marami ang nagkamali sa pagtingin sa kanya dahil ngayon ay isa siyang performing asset ng administrasyong ito.
Tahasang inihayag ni Secretary Lopez na ang investment ng mining companies na nasa bansa ay hindi nakatutulong sa ating ekonomiya dahil ang kanilang ganansiya ay iniuuwi rin nila sa kanilang bansa.
O sa mga bansang gaya ng Switzerland na ang umiiral na banking system ay Swiss Financial Market Supervisory Authority (FINMA) na hindi mauurirat ang kanilang bank account kahit ng International Money- Laundering Information Network.
Akala siguro ng mga mapagsamantalang mining companies kakalambre si Secretary Gina nang sabihin nilang P1 trilyong investments ang mawawala sa bansa sa pagpapatupad niya ng closure at suspension orders laban sa kanila.
Sabi nga ni Madam Gina, sila lang ang nakinabang sa investment nila. Mayroon silang pitong-taon na tax-holiday at kapag natapos na silang magmina, naipagbibili pa nila ang lahat ng mining equipment na ginamit nila kaya bumabalik din sa kanila ang puhunan nila.
“Ginagahasa nila ang bansa at ang kinikita nila ay lumalabas sa bansa… nakukuha nila ang 82 percent ng net income at 95 percent nito ay hindi napakikinabangan ng local economy,” ‘yan ang mariing pahayag ng Kalihim.
Narinig ba natin sa ibang naging kalihim ng DENR ang katotohanang ‘yan? Wala tayong narinig sa kanila at hindi nila sinasabi na ang pagmimina ay isang prehuwisyo sa buong lipunan at sa ating ekonomiya.
Naniniwala tayo sa sinasabi ni Madam Gina.
‘Yang mga Chinese and Taiwanese mining company na namumunini sa black sand mining ‘e walang pakinabang ang ating bansa.
Sabi nang sabi lang sila na malaki ang naiaambag nila sa ekonomiya ng bansa pero sa totoo lang kahit ‘yung obligasyon nila pagkatapos magmina ay hindi nila ginagawa.
Ang katotohanan, hindi na tayo kumikita sa mining companies na ‘yan, nalulugi pa tayo nang daan-daang milyones dahil sa irresponsible mining practices.
Ilang halimbawa umano ang mga open pit mining na malapit sa mga ilog at talon, na financial liability ng gobyerno sa buong buhay.
Pagkatapos magmina, mayroong obligasyon ang mining companies na magsagawa ng rehabilitasyon o maglaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng komunidad pero hindi nila ginagawa.
Ang pangako ng rehabilitasyon kinalimutan na.
Sila ang yumaman pero winasak ang yaman ng ating bansa.
Narito ang isang DENR Secretary, isang babae na hindi nagpapasindak sa banta at pananakot ng malalaking mining companies.
Suportahan po natin ang mga programa ni DENR Secretary Gina Lopez.
BIKTIMA RIN
NG DSG AGENCY
(ATTENTION: DOLE)
SIR, magandang araw po! Nabasa ko lang po online ‘yun tungkol sa DSF agency na nai-published ninyo last June 2015. Kasi po, may experience rin ako sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi pa nila nai-process ang refund ng pera ko.
Naghanap kami ng yaya at nakita ko ang agency nila online din. Nang tinawagan ko ay mabilis naman silang nakapag-provide ng yaya. Inihatid pa rito sa bahay namin ang nagngangalang Chris. Nagbayad kami ng 7k kasi 1k daw para sa pasahe at 6k para raw sa placement fee. Two days pa lang sa amin ang yaya. Nasa office ako nadisgrasya ang anak ko sa walker tumaob dahil naiwanan ng yaya. Tapos ang yaya na ibinigay nila ay hindi naman pala talaga nagyayaya at parang pinulot lang nila kung saan. 3 pares lang ang dalang damit. Taga-Tondo raw. Tapos nang mag-ask kami ng replacement, wala pa raw maibigay, after Christmas pa. Tapos nagpa-process na lang kami ng refund. 30 days from Dec. 20 until now wala pa rin. Sabi nila last week daw ipapadala. Walang dumating.
Ilang beses kong nakausap si Angie pati si Dhar na may-ari raw. Kapag hinahanap ko, pumunta raw sa Bicol tapos sumunod nasa Bataan daw. Noong Wed nag-text at tumawag na sabi ay ipo-process nila ang refund thru may account daw ibinigay ko ang Landbank acct number ko sa kanila pero until this moment walang pumasok sa acct ko. Ang sabi Fri daw ng hapon nila ipadadala. Sana maipasara na ang agency na ‘yan at baka marami pang mabiktima. Salamat po.
Sana po mabigyan ng aksiyon ‘yan kasi dapat ‘yung mga ganyang agency ay ipasara na at pagmultahin ang mga tao sa likod niyan. Inconvenience sa amin at manloloko pa sila. Sabi ng yaya na dinala dito, ‘di naman daw siya talaga yaya. Nagluluto lang daw siya sa probinsiya nila saka maysakit ‘ata siya.
Pero as per their contract dapat competent ang ipapadala nila na kasambahay. Salamat po.
Tessa tessa.——@yahoo.com
BAKIT NGA GANUN?
KA Jerry, bakit kapag adik pinapatay pero pag pulis iskalawag push up at linis ilog lang?
+639157112 – – – –
BASTOS NA MGA GUWARDIYA
SA BF HOMES PARAÑAQUE!
SIR Jerry, mga guwardya sa BF Homes, masyado bastos sa mga driver, iniiwan ko ID ko nagsisigaw pa. E naiwan ko nga sa loob ang license ko sa bahay ng kaibigan ko tapos tnawag pa head security mga bastos! Nambu-bully kapag babae ‘e ang daming nakapapasok diyan na nagbibigay ng 20.00 lang pinapadaan nila.
Ablikan ang last name ng guard, ‘yun head security Madamba last name! Super bastos! Sinabi ko na nga homeowner kami, pano pala ‘pag homeowner talaga at naiwan license sa bahay e di hindi na makapasok sa bahay?
May pinatawagan pa sa landline ‘yung security office, nag-e-explain ako biglang ibinagsak ang phone! Iniiwan ko gov’t ID sabi ko, biglang sabi HINDI then bagsak phone. Dapat turuan ng BF Homeowners Association ng tamang asal ang guwardiya nila.
+639165381 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap