INAAYOS na ng PNP sa Philippine Air Force (PAF), ang eroplanong sasakyan ng mahigit 200 police scalawags, na i-dedestino sa Mindanao.
Sinabi ni Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), agad silang magsasagawa ng koordinasyon sa PAF, kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na idestino sa Basilan ang mga tiwaling pulis.
Dagdag niya, maglalaan ng pondo ang kanilang PNP provincial, at regional directors sakaling kailangan nilang personal na dumalo sa mga kasong kinakaharap nila sa mga korte sa Metro Manila.
Magugunitang galit na hinarap ng pangulo ang halos 300 pulis sa Malacañang kamakalawa, pinagmumura at sinabon nang husto.
Samantala, aminado si Albayalde, maraming pulis ang nais magbitiw kaysa mailipat sa Basilan.
PARUSA SA POLICE SCALAWAGS
PINABORAN NI LACSON
PABOR si dating PNP chief at ngayon ay senador Panfilo Lacson, sa hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte, laban sa police scalawags.
Matatandaan, pinagmumura ni Duterte ang mahigit 200 pulis, na sangkot sa sari-saring kaso.
Bukod dito, plano ng presidente, na ipadala sila sa ilang malalayong probinsiya ng Mindanao.
Para kay Lacson, nararapat lamang sa rogue cops ang mabigat na parusa, dahil kahihiyan ang dulot nila sa hanay ng pulisya.
“Rogue cops shame the PNP; they deserve nothing less,” wika ni Lacson.
(CYNTHIA MARTIN)