NAPIKON si Sen. Leila De Lima kay Atty. Ferdinand Topacio ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), nang mabanggit sa pagdinig ang drug trafficking issue tungkol sa senadora.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on justice and human rights, pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, isa sa ipinatawag ang grupo ni Topacio, upang magbigay ng posisyon kung bakit sila pabor sa pagpapabalik ng capital punishment.
Nabanggit ni Topacio, dapat nang ipatupad ang parusang kamatayan dahil lumalala na ang drug trafficking sa bansa, at maging sa piitan sa New Bilibid Prison (NBP), na nadadawit aniya si De Lima.
Makaraan ang pagpapaliwanag ni Topacio, agad tumayo si De Lima at galit na galit na kinompronta ang abogado kung bakit isinama pa siya sa paliwanag.
Nagtangkang magpaliwanag si Topacio ngunit nanggagalaiti sa galit ang senadora, kaya inawat ni Gordon at pansamantalang sinuspendi ang pagdinig.
(CYNTHIA MARTIN)