SIYAM senador ang tutol sa pagpapabalik sa death penalty, bilang parusa sa karumal-dumal na krimen.
Nagpahayag ng pagtutol sa pagpapabalik sa death penalty, sina Senador Richard Gordon, Senador Franklin Drilon, Senador Francis Pangilinan, Senador Bam Aquino, Senadora Risa Hontiveros, Senadora Leila De Lima, Senador Ralph Recto, Senador Antonio Trillanes IV, at Senador Francis Escudero.
Sinabi ni Escudero, delikado at nakatatakot na ipatupad ngayon ang death penalty hangga’t hindi pa rin naaayos ang justice system sa bansa.
Ani Escudero, marami pa ang nakukulong nang walang kasalanan nang dahil sa hindi maayos na sistema sa hudikatura.
Dagdag pa ni Escudero, mas nakatatakot bitayin ang isang walang kasalanan, at kung mapatunayan na nagkamali ang korte, hindi na maibabalik ang buhay ng inosenteng biktima ng maling hustisya.
Ang pagbabalik ng parusang kamatayan ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang kampanya noong nakaraang eleksiyon, dahil sa mga krimen dulot ng ipinagbabawal na droga sa bansa.
Kailangan ng 13 boto ng mga senador para makalusot ang panukalang parusang kamatayan sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
(CYNTHIA MARTIN)